LUNGSOD NG MALOLOS — Pinangunahan ng Pulis Bulacan ang pagdiriwang sa ika-23 National Crime Prevention Week o NCPW sa lalawigan.
Ayon kay Police Provincial Director Sr. Supt. Romeo Caramat Jr, bagamat tumataas ang bilang krimen ngayon pagpasok ng “ber” months ay hindi hihinto ang buong pwersa ng kapulisan upang panatilihin ang kapayapaan at katahimikan.
Nagpaalala rin si Caramat sa lahat ng Bulakenyo na maging alerto at maingat upang makaiwas sa anumang krimen at umiwas sa mga ipinagbabawal na droga.
Ipinarating din ng punong hepe ng pulisya sa Bulacan ang tagubilin ng bagong talagang Police Regional Director ng Central Luzon na si Chief Supt. Amado Corpuz sa mga pulis na iwasan ang pagtetext, paglalaro ng mga games sa gadgets at iba pang kahalintulad ng aktibidad habang tumutupad sa kanilang mga tungkulin.
Ang pagiging huli umano o late sa trabaho at pagiging suplado o suplada ng mga pulis ay magreresulta ng kawalan ng tiwala ng mamamayan.
Nagpasalamat naman si Caramat sa lahat ng miyembro ng NCPW technical working agencies na dumalo sa selebrasyon, nakikiisa sa kampanya, at nagtutulong-tulong tungo sa mas maunlad at mapayapang lalawigan.
Una rito, lumagda sa “Pangako ng Pagbabago” ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na tanda ng patuloy na pagsuporta sa mga kampanyang inilulunsad ng mga kapulisan sa pagsugpo ng krimen at paglutas sa suliraning dulot ng ilegal na droga.
Kabilang sa mga lumagda ay ang Bulacan Police Provincial Office kasama ang National Police Commission, Department of Interior and Local Government, Philippine Drug Enforcement Agency, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Protection, Department of Education, at Philippine Information Agency. –Vinson F. Concepcion