BALANGA CITY – Nagtalaga ang Police Regional Office 3 ng 898 designated firecracker zones sa buong Central Luzon.
Ayon kay PNP Police Regional Office 3 Regional Director, Chief Supt. Napoleon Coronel layon nito na mabawasan kundi man tuluyang maiwasan ang mga risk pf injuries at casualties sa pagdiriwang ng New Year’s Eve o pagsalubong sa Bagong Taon 2019.
Sa lalawigan ng Aurora ay mayroong 23 designated firecracker areas; Bataan -195; Bulacan -351; Nueva Ecija -93; Pampanga -30; Tarlac -29; Zambales – 163 at Angeles City -14 lugar.
Ang mga designated firecracker zones ay alinsunod sa Executive Order no.28 ni Pangulong Rodrigo R. Duterte kung saan ang mga itatalagang mga lugar na pwedeng gumamit ng paputok ay binase sa superbisyon ng trained persons na lisensiyado ng PNP.
Samantala, nagpaalala rin ang PRO3 sa publiko hinggil sa mga ipinagababawal na paputok kagaya ng: Piccolo, Watusi, Giant Whistle Bomb, Giant Bawang, Large Judas Belt, super Lolo/Thunder Lolo, Atomic Bomb, Atomic Big Triangulo, Pillbox, Boga, Kwiton, Goodbye Earth, Goodbye Bading, Hello Columbia, Coke-in-Can, Kabasi, Og, at iba pang unlabeled at imported firecrackers.
“Umaapela tayo sa publiko na kung maaari ay huwag nang gumamit ng mga paputok at mag isip na lamang ng ibang pamamaraan ng pagsasaya para makaiwas sa anumang disgrasya sa ating pagdiriwang at pagsalubong sa Bagong Taon,” pahayag ni P/Chief Supt. Coronel.