Kinilala ng National Library of the Philippines ang panlalawigan aklatan ng Bulacan bilang isa sa Top Performing Libraries para sa taong 2021.
Umabot sa 375,628 mambabasa sa parehong physical library at online services user ang napagsilbihan ng Bulacan Provincial Library o BPL para sa nagdaang taon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Gobernador Daniel Fernando na ang panlalawigan aklatan ay may mahalagang gampanin sa lipunan.
Ito aniya ay lugar ng kaalaman, may pandemya man, bukas at patuloy itong nagbibigay ng pagkakataon sa mga Bulakenyo na mapag-aralan ang mayamang kasaysayan, kultura at literasiya ng lalawigan.
Kinilala rin ang BPL para sa monthly report completers para sa kategoryang Provincial Library.
Kahalintulad na pagkilala ang ibinigay sa City of Meycauayan Library and Mini Heritage Museum para sa kategoryang City Library gayundin ang Aklatang bayan ng Bustos, Plaridel at Pulilan at Baliwag para sa kategoryang Municipal Library.
Ang BPL ang pinakaunang pampublikong aklatan sa lalawigan na matatagpuan sa Gat Blas F. Ople Building, Sentro ng Kabataan, Sining at Kultura ng Bulacan, Capitol Compound sa lungsod ng Malolos.