Hindi ikinatuwa bagkus ay nadismaya ang pamilya ng kinikilalang bayaning Bulakenyo na si Heneral Isidoro Torres sa ipinatayong rebulto nito na inilagay sa harap ng city hall ng Lungsod ng Malolos dahil hindi umano ito kamukha at malayo sa tunay na hitsura.
Nabatid na nakatakda sana bigyan ng pagpupugay ang nasabing monumento ni Hen. Torres kasabay ng kaniyang Ika-155 taong anibersaryo ng kapanganakan Abril 10 (Sabado) subalit hindi natuloy dahil sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).
Nag-alay na lamang ng bulaklak ang city officials ng nasabing pamahalaang lungsod sa dambana bilang pagkilala sa kabayanihan ipinamalas nito at iniambag noong panahon ng rebolusyon.
Samantala, hindi naman nagustuhan ng mga descendants o pamilya ng kinikilalang bayaning Bulakenyo sa halip ay dismayado ang mga ito sa kinalabasan ng itinayong rebulto na nung una pa man bago ang sana’y gaganaping seremonya ay tinututulan na ito ng mga pamilya.
Ayon kay Toppie Torres, apo at spokesperson pamilya Torres, sa isasagawa sanang komemorasyon ng Ika-155 taong anibersaryo ng kapanganakan ay hindi sila man lang inabisuhan at inanyayahan man lang sa naturang inagurasyon hanggang sa nakita na lamang nila sa social media ang nakatayo nang rebulto.
Isa pa sa ikinasama nila ng loob ayon sa pamilya ay ang maling wangis nito o hindi kamukha ng kanilang lolo ang lumabas na imahe ng rebulto.
Anila ay nagmukhang katawa-tawa ito na tila isang karakter sa komiks na si “kenkoy”.
Abril 6 nang sumulat ang pamilya kay Mayor Bebong Gatchalian kung saan sinabi ng mga ito na tinututulan nila ang maling pagkakagawa ng imahe ng rebulto gayundin ang pagpapaliban ng sana’y isasagawang inagurasyon ngunit hindi nga natuloy gawa ng umiiral na ECQ.
Nabatid na una pa man bago simulan ang pagpapagawa ng rebulto ay lumiham na rin ang Torres Clan sa Punong Lungsod kung saan inaaako na nila ang pagpapagawa ng rebulto at lahat ng gagastusin ay manggagaling sa kanilang bulsa.
“Nais namin na maging maganda, maayos at matibay ang rebulto kaya kami na sana ang magpapagawa pero binalewala nila,” ani Torres