DONYA REMEDIOS TRINIDAD, Bulacan — Pinasimulan na ng National Irrigation Administration o NIA ang rekonstruksyon ng Bulo Dam sa halagang 990.3 milyong piso.
Ito ay matapos ang anim na taon mula nang mabutas sa kasagsagan ng paghugpit ng bagyong Pedring noong Setyembre 2011 na nagdulot ng malawakang pagbabaha sa bayan ng San Miguel.
Pinangunahan ni NIA Administrator Ricardo Visaya ang pagbabaon ng panandang bato bilang hudyat sa pagsisimula ng rekonstruksyon.
Oras na makumpleto sa 2021, mapapatubigan nito ang 535 ektaryang lupang sakahan ng palay sa San Miguel at 35 ektarya sa Donya Remedios Trinidad na direktang mapapakinabangan ng may 500 magsasaka.