Rep. Roman tumulong sa mga Abukenyong naapektuhan ng lockdown

ABUCAY, Bataan – Namahagi ng tulong si Bataan 1st District Congresswoman Geraldine Roman sa mga Abukenyo na naapektuhan ng lockdown dahil sa paglobo ng COVID-19 cases dito. 

“Nagbigay tayo ng bigas para sa ating mga kababayan sa bayan ng Abucay na na-lockdown ang barangay dahil sa tumataas na COVID-19 cases. Sana ay wala nang maitalang mga bagong kaso ng COVID-19 sa kanilang barangay,” pahayag ni Rep. Roman sa kanyang Facebook Page. 

Nauna rito ay isinailalim ng Abucay LGU sa 7 araw na total lockdown ang siyam na lugar sa Barangay Calaylayan matapos magpositibo ang 19 katao na dumalo sa isang religious gathering sa Balanga City noong Hulyo 19.

Aabot sa 700 pamilya sa naturang barangay ang apektado ng lockdown dahil hindi sila pinayagang lumabas maliban lamang sa mga emergency cases. 

Tiniyak naman ng Abucay LGU sa pamumuno ni Mayor Liberato Santiago Jr. na suportado nila sa pamamagitan ng food assistance ang mga kababayan nila na nasa lockdown. 

Sa August 6 update ng PHO ay nasa 30 residente ng Abucay ang active cases ng COVID-19, pangalawa sa Mariveles sa mga bayan sa Bataan na may pinakamaraming nagpositibo kaso ng nakamamatay na virus. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews