Naglaan ng 50 milyong piso ang Department of Public Works and Highways o DPWH para sa retrofitting ng 46 taong gulang na istraktura ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA Regional Training Center sa bayan ng Guiguinto sa Bulacan.
Inilahad ni DPWH Bulacan First District Engineer Henry Alcantara na sa loob ng pondong ito, 30 milyong piso ang mula sa pambansang badyet ng 2021 para sa retrofitting ng mga learning center buildings. Kabilang dito ang pinagdadausan ng mga kasanayan para sa automotive, welding at machine shop.
Kasama rin sa popondohan ang retrofitting ng dress making building kung saan isasailalim sa vulnerability assessment upang malaman ang katatagan ng istraktura.
May karagdagang 20 milyong piso naman ang inilaan para sa pagpapatuloy ng proyekto mula sa pambansang badyet ng 2022.
Target matapos ang proyekto bago matapos ang taong ito.
Ang TESDA Regional Training Center na ito ay isa sa 10 regional manpower training centers na ipinatayo ng pamahalaang nasyonal noong 1976 sa tulong ng World Bank.
Itinayo sa 2.5 ektaryang lupa sa Tabang, Guiguinto na pag-aari ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan na ipinagkaloob sa noo’y National Manpower and Youth Council na kilala ngayon bilang TESDA.
Pinasinayaan at nagsimula ang operasyon ng nasabing mga pasilidad noong 1977.
Kaugnay nito, sinabi ni TESDA Bulacan Provincial Director Joven Ferrer na napapanahon ang retrofitting ng mga istraktura sa kasagsagan na pinapaigting ng ahensya ang pagkakaloob ng iba’t ibang training for work programs.
Maituturing aniya ito na malaki at pangmatagalang tugon upang masuportahan ang pagpaparami ng oportunidad na magkaroon ng trabaho ang karaniwang mamamayan ngayong nakakabawi na ang ekonomiya sa gitna ng pandemya.