LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) –Binuksan ng National Historical Commission of the Philippines ang eksibisyon na pinamagatang “Senyas” sa Museo ng Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas sa Casa Real sa Malolos.
Isa itong eksibisyon tungkol sa pagpapabatid ng natatagong damdamin at palihim na mensahe ng mga kadalagahan at kabinataan noong 1880s sa Pilipinas, bilang pagdiriwang sa Museums and Galleries Month ngayong Oktubre.
Sinabi ng kurardor ng museo na si Nett Jimenez na makikita sa mga larawan ang iba’t ibang kilos o senyas ng mga kadalagahan noong 1880s sa Pilipinas.
Malaki ang mga naging papel ng payong at abaniko sa pagpapahiwatig ng nararamdaman o saloobin ng isang dalaga.
Ang ilustrasyon ng eksibisyon ay likhang kamay ni Alex Aguinaldo na kurador ng Museo ni Marcelo H. Del Pilar sa Bulakan, Bulacan habang ang layout ay gawa ni Gelo Manalili na kurador naman ng Museo at Aklatan ni Pangulong Diosdado Macapagal sa Lubao, Pampanga. (CLJD/SFV-PIA 3)