Siyam na bagong ruta ng P2P, ilulunsad ngayong 2019

LUNGSOD NG MALOLOS — Magbubukas ng karagdagang siyam na ruta ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB para sa Point-to-Point o P2P Premium Bus sa Bulacan. 

Ito’y matapos ang matagumpay na paglulunsad ng mga ruta sa Santa Maria hanggang North EDSA at Malolos hanggang North EDSA noong 2018. 

Sa inilabas na Memorandum Circular number 2019-010 ng LTFRB na pirmado ng tagapangulo nitong si Atty. Martin Delgra III, nag-aanyaya sa mga interesado at kwalipikadong kumpanya ng bus na lumahok sa gagawing pagsusubasta ng nasabing mga magiging bagong ruta. 

Kabilang sa mga ruta na magkakaroon ng biyahe ang mula sa Angat hanggang North EDSA, Angat hanggang Lawton na may hinto sa Tutuban, Balagtas hanggang North EDSA, Pandi hanggang North EDSA na may hinto sa barangay Batia sa Bocaue, at Plaridel hanggang North EDSA. 

Sisimulan na ring magkaroon ng biyahe ng P2P na papunta at galing sa Philippine Arena na nasa Ciudad de Victoria Special Economic Zone na kapwa sakop ng mga bayan ng Bocaue at Santa Maria. 

Nakalinya rito ang mga magiging biyahe na mula Philippine Arena hanggang Clark Freeport Zone, Philippine Arena hanggang Calumpit na may hinto sa Bocaue exit, Philippine Arena hanggang La Union, at ang Philippine Arena hanggang Central Quezon City.

Matatandaan na noong Abril 2018, pinangunahan ni Transportation Secretary Arthur Tugade at mga kinatawan ng North Luzon Express Terminal Inc. ang paglagda sa isang Memorandum of Understanding para sa pagtatayo ng North Integrated Terminal Exchange sa loob ng Ciudad de Victoria Special Economic Zone. 

Taong 2016 nang ilunsad ng ahensya ang konsepto ng P2P Premium Bus upang makapagbigay ng mas maginhawa, mabilis at maaasahang sistema ng ruta ng bus. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews