Ibinahagi ng dating Pangulo ng Republika ng Pilipinas at kasalukuyang House Speaker Gloria Macapagal Arroyo kung gaano ikinararangal ng kanilang pamilya, sa ngalan ng kanyang ama na si Diosdado P. Macapagal, ikalimang pangulo ng bansa, na naibalik sa Hunyo 12 ang paggunita ng Araw ng Kalayaan sa ginanap na komemorasyon ng ika-121 Anibersaryo ng Deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa makasaysayang Simbahan ng Barasoain kahapon sa Lungsod ng Malolos.
“Malaking karangalan sa aking pamilya na ang nagtakda ng Araw ng Kalayaan sa tamang petsa na ika-12 ng Hunyo ay ang aking ama. Naisip nya noong kongresista pa sya na hindi tamang gunitain ang paglaya sa ika-4 ng Hulyo dahil iyon din ang independensya ng Estados Unidos, sumasabay tayo sa bansang dating sumakop sa atin at para pa rin tayong nakatali at patuloy na umaasa sa kanyang pagtatanggol,” ani Arroyo, ang panauhing pandangal.
Sinimulan ang programa na may temang “Kalayaan 2019: Tapang ng Bayan, Malasakit sa Mamamayan” sa pamamagitan ng Pagtataas ng Watawat na sinundan ng Panunumpa ng Katapatan sa Watawat ng Pilipinas at pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Hen. Emilio Aguinaldo, ang unang pangulo ng bansa.
Aniya, isang milyong Pilipino ang dumagsa sa Luneta upang alalahanin ang Kalayaan ng bansa noong Hunyo 12, 1962 at noong 1964, sumang-ayon ang Kongreso sa pamamagitan ng batas na nagsasaad na Hunyo 12 ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
“May tungkulin ang bawat Pilipinong nagtatamasa ng kalayaan na pangalagaan ito, tayong lahat ang nagtatayo at tumatangkilik sa tuluy-tuloy na pag-unlad ng bansa. Patuloy pa rin tayong nakikipaglaban sa kahirapan, masasabi nating naibaba ng mga magkakasunod na administrasyon sa 39% ang antas nito nung naupo ako bilang Pangulo hanggang 26% nung bumaba ako, at kung mapapababa ni Pangulong Duterte sa 14% sa 2022, tagumpay ito ng buong henerasyon,” dagdag pa ni Arroyo.
Kaugnay nito, inilahad naman ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado ang ilan sa mga proyektong pangkaunlaran na maaaring makatulong na mapababa ang antas ng kahirapan sa bansa.
“Dahil sa kalayaan, nagkaroon tayo ng pagkakataong magtakda ng sarili nating tadhana. Ngayon, hinihintay na lang nating magawa at matapos ang mga bypass road, North Luzon Eastern Alignment, North Railways, ang bagong 6-lane road sa San Jose del Monte na lalabas sa Balagtas, International Airport, coastal roads that will cut travel time by almost one hour, at mga mahahalagang tulay,” anang gobernador.
Sinabi rin nito na sa kabila ng pagiging malaya, kinakailangan ng mga Pilipino na maging mga Pilipinong lumalaban at tumitindig para sa hustisya at nagpapahalaga sa tunay na kahulugan ng kalayaan.
Para sa kanyang bahagi, sinabi naman ni Bise Gob. Daniel R. Fernando na, “Narito tayo at nagdiriwang habang ginugunita ang nakaraan, ngunit hindi ibig sabihin wala na tayong ibang gagawin, responsibilidad pa rin natin na patuloy na ipaglaban ang kalayaan mula sa mga umaabuso nito at patuloy na nagpapahirap sa bansa”.Nakibahagi din sa nasabing okasyon sina Congressman Jose Antonio “Kuya Jonathan” Sy-Alvarado ng Unang Distrito, Guiguinto Mayor Ambrosio Cruz, pangulo ng League of Municipalties of the Philippines- Bulacan, Police Chief Superintendent Joel Napoleon Coronel, direktor ng Police Regional Office III (PRO)-Central Luzon, Rosario Sapitan ng National Historical Commission of the Philippines at marami pang iba.