LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Naglabas na ng listahan ng Suggested Retail Price o SRP ang Department of Trade and Industry o DTI para sa mga produktong inihahanda sa Noche Buena ngayong papalit na ang kapaskuhan.
Sa ginanap na Kapehan with Media Partners, partikular na tinakdaan ng SRP ang iba’t ibang brand ng ham, fruit cocktail, cheese, sandwich spread, mayonnaise, keso de bola, pasta o spaghetti, elbow and salad macaroni, spaghetti sauce, tomato sauce at creamer.
Ayon kay DTI Bulacan Director-In-Charge Ernani M. Dionisio, ang pagtatakda ng SRP ay nangangahulugan na hindi dapat lumayo ang presyo kung magkano ito ititinda sa mga pamilihan. Lalong mabuti kung mas mababa pa sa SRP.
Halimbawa ang ham na 500 grams ay may SRP na mula 135 hanggang 189 piso; 194 piso sa 700 grams; 196 hanggang 430 piso para sa 800 grams; 299 hanggang 1,025 piso para sa isang kilo at 832.50 piso sa 1.5 kilo.
Ang fruit cocktail na 432 grams ay mula 50.35 hanggang 56.45 piso; 72.10 hanggang 73.65 piso para sa 822 grams; 72.90 hanggang 76.15 piso para sa 836 grams at 202.20 hanggang 239.40 piso para sa tatlong kilo.
Sa cheese, ang 165 grams ay mula 49.50 hanggang 89 piso; 48 piso para sa 180 grams; 47.50 hanggang 66.40 piso para sa 200 grams; 129.50 hanggang 205.00 piso para sa 440 grams; 120 piso para sa 450 grams; 118.20 hanggang 165.60 piso para sa 500 grams at 269.50 piso para sa 950 grams.
Sa Keso de Bola, ang 300 grams ay 169 piso; 199 hanggang 320 piso para sa 350 grams; 279.50 hanggang 410.00 piso para sa 500 grams; at 435.30 hanggang 539 piso para sa 750 grams.
Tinakdaan din ng SRP ang creamer na ginagamit sa paggawa ng salad, crema de pruta at iba pang minatamis. Ang SRP sa 250ml ay mula 55 hanggang 59 piso; 75 piso para sa 300 grams; 47 hanggang 55 piso para sa 370ml; at 52 piso para sa 410 ml. (CLJD/SFV-PIA 3)