Ibibigay ng Social Security System (SSS) ang kalahati ng 60th anniversary budget o P5.9 milyon sa mga biktima ng kaguluhan sa Marawi at lindol sa Ormoc.
Sinabi ni Social Security Commission (SSC) Chairman Amado D. Valdez na pinagtibay ng Komisyon ang desisyon na ilagak ang kalahati ng anniversary budget sa pamamagitan ng SSC Resolution No. 578. Ang pondong inilaan para sa milestone celebration ay P11.8 milyon.
“Ipagdiriwang namin ang anibersaryo ngayong Setyembre ngunit napagkasunduan ng Komisyon na gawin itong simple. Hindi man engrande ang selebrasyon kagaya ng mga nagdaang taon ay sisiguruhin pa rin namin na makabuluhan ito sa ngalan ng pabibigay serbisyo at benepisyo sa ating mga miyembro,” sabi ni Valdez.
Sabay-sabay na gaganapin sa 301 local at foreign offices ang 60th Anibersayo ng SSS. Kabilang sa mga magaganap ay ang Members’ Day, Balikat ng Bayan Awards, Photo Exhibit, Best Employees’ Program, Fun Run, at Blood Donation Drive.
Sinabi ni SSC Commissioner Arthur L. Amansec na ang naging aksyon ang SSC ay tugon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte noong huling State of the Nation Address (SONA).
“Sa aming palagay, maaaring isipin ng publiko na insensitibo ang SSS pagdating sa paghihirap ng ating mga kapatid sa Marawi at Ormoc City, lalo na ‘yung mga nawalan ng tirahan at mahal sa buhay. Nagdadalamhati rin kami para sa mga pamilya ng ating mga nasawing sundalo na lumaban upang matamo ang kapayapaan sa rehiyon,” sabi ni Amansec.
Ipinaliwanag din ni Amansec na patuloy ang SSS sa pagtulong sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng Corporate Social Responsibility (CSR) operations nito sa mga lugar na nasalanta ng bagyo at iba pang kalamidad.
“Tuwing Pasko ay mayroon din kaming annual gift-giving activity na kung saan ay nagbibigay ng donasyon ang mga opisyal at empleyado ng SSS sa mga non-profit organization,” sabi ni Amansec.
Nitong Hunyo lamang ay nagbigay ang SSS ng donasyon na P500,000 sa mga sundalo at pamilyang naapektuhan ng bakbakan sa Marawi sa pamamagitan ng Philippine Red Cross. ###