LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Nasungkit ng Barangay Sta. Lucia ang kampeonato ng Giant Lantern Festival o GLF ngayong taon.
Tinalo ng Barangay Sta. Lucia, sa pamumuno ng kapitan nitong si Herman Quiwa, ang 11 iba pang barangay ng lungsod ng San Fernando na lumahok sa kompetisyon nitong Sabado sa Robinsons Starmills.
Nag-uwi ng 150,000 pisong premyo ang Sta. Lucia samantalang 100,000 piso ang iniuwi ng Calulut bilang 1st runner up.
Nakakuha naman ng 75,000 piso ang Del Pilar bilang 2nd runner up at 50,000 piso ang Sindalan bilang 3rd runner up.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor Edwin Santiago na isang paraan ang nasabing kumpetisyon upang ipakita ang kahusayan ng mga Fernandino sa paggawa ng mga parol na naipasa pa mula sa iba’t ibang henerasyon.
Aniya, sa pamamagitan nito ay naibabahagi ng lungsod ang natatangi nitong tradisyon sa buong mundo at nasasalamin ang kultura ng pamayanan.
Kabilang sa iba pang mga kalahok na barangay ang San Pedro, Bulaon, San Juan, San Nicolas, Telabastagan, San Jose, San Agustin at Sto. Niño.