Nagpalabas ng order o kautusan ang Punong Bayan ng Hermosa, Bataan na si Mayor Jopet Inton na lumilikha sa Bantay Ilog Task Force para sa munisipalidad ng Hermosa.
Nakasaad sa Executive Order no. 28 series of 2019 angsuporta ng LGU sa Environmental Management and Protection Program kung saan inatasan ni Mayor Jopet ang komite ng kalusugan at kapaligiran na bumuo ng technical working group o TWG ang bawat barangay na pamumunuan ng punong barangay at tatawagin itong “Bantay Ilog”.
Ani Inton, sila ang inatasan magbantay ng mga kailugan sa kanilang barangay at inaanyayahan ang lahat ng mamamayan na makiisa sa makakalikasang adhikaing ito.
Ang naturang kautusan ay bilang aksyon sa mga reklamo ng ilang Hermoseños sa umano’y pagkakaroon ng mabaho at maduming ilog kung saan itinuturong responsable rito ang mga malalaking dressing plants ng manok pati na ang mga nagsulputang backyard poultry farms sa bayan ng Hermosa.