Tourist bike patrol inilunsad sa Bulacan

NASA kabuuang 80 units ng bike patrol ang ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno ni Gobernador Daniel R. Fernando para sa Bulacan Police Provincial Office (PPO) upang matiyak ang ligtas na lugar para sa mga Bulakenyo at mga turistang dadayo rito sa ginanap na Groundbreaking Ceremony ng Bulacan PPO Multi-purpose Covered Court sa Camp Gen. Alejo S. Santos nitong Miyerkules.

Pormal na tinanggap ni Bulacan PPO director Col Relly Arnedo mula kay Fernando ang mga nasabing bike patrol units upang magbigay ng karagdagang seguridad sa lalawigan.

Ayon kay Arnedo, gagamitin ang mga brand new bike patrol unit ng 144 na itinalagang tourist-friendly police bike patrollers mula sa Bulacan PPO na magbabantay sa kani-kanilang mga itinalagang lugar sa lalawigan.

Naniniwala si Fernando na ang mga bike patrol unit ay magpapalakas ng seguridad at magpapanatili ng kaayusan sa mga komunidad.

“Napakaganda po ng Police Bike Patrol Unit at naniniwala ako na mapapalakas nito ang presensya ng kapulisan sa ating pamayanan. Mas mapapanatag na po ang kalooban ng ating mga kababayan at matatakot ang mga kriminal na maghasik ng lagim sa ating lalawigan. Isa pang kagandahan ng paggamit nito ay mapapangalagaan natin ang ating Inang kalikasan sapagkat hindi ito nagbubuga ng polusyon,” anang gobernador.

Ayon kay Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office head Dr. Eliseo Dela Cruz, ito ay ganap na magbibigay ng proteksyon sa mga turistang pumupunta sa Bulacan sa ilalim ng Tourist Oriented Police for Community Order and Protection (TOP-COP) ng PNP.

Bago ang paglulunsad ng bike patrol units, pinangunahan ni Fernando kasama si Arnedo ang groundbreaking ceremony ng bagong 540 square meter na BPPO Multi-purpose Covered Court na gagamitin para sa kanilang mga aktibidad sa hinaharap.

Nagsagawa rin kahapon ng surprise drug test bilang pagtalima sa internal cleansing mandate ng Philippine National Police na nilahukan ng may 59 tauhan ng BPPO kabilang ang Intelligence Officer of Bulacan, Chiefs of Police, at Intel Admins mula sa iba’t ibang istasyon kung saan lahat ng resulta ay negatibo.

Tiwala rin si Fernando na gagampanan ng lahat ng kapulisan ang kanilang mga tungkulin ng may integridad.

“Inaasahan ko na gagawin ng bawat isa sa inyo ang kung ano ang tama at palaging pipiliin ang matapat at mapagkalingang paglilingkod,” ani Fernando.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews