LUNGSOD NG CABANATUAN, Nueva Ecija – Itatampok sa ginugunitang Micro, Small, and Medium Enterprise o MSME Week ang pagdaraos ng trade fair sa Nueva Ecija.
Ayon kay Department of Trade and Industry Nueva Ecija Business Development Division Chief Maria Odessa Manzano ay nasa 28 MSME ang inaasahang lalahok sa bubuksang trade fair bukas, ika-16 ng Hulyo.
Dito aniya ay makabibili ng mga food at non-food items na gawa ng mga MSME sa Nueva Ecija na matutunghayan hanggang sa Hulyo 22 sa NE Pacific Mall sa lungsod ng Cabanatuan.
Pagtitiyak ni Manzano, ang mga food manufacturers na lumalahok sa trade fair ay accredited ng Food and Drug Administration gayundin ay mayroong License to Operate, rehistrado sa DTI, sa lokal na pamahalaan at Bureau of Internal Revenue kaya siguradong dekalidad ang mga mabibiling produkto.
Kung mayroon aniyang kailangan sa tahanan o sa trabaho ay sa trade fair na bumili na magbubukas ng isang linggo upang patuloy na maipakilala ang mga gawang produkto sa Nueva Ecija.
Aniya sa pamamagitan ng pagtangkilik sa mga gawang produkto ng mga MSME ay matutulungang mapalago ang hanapbuhay at pagbibigay trabaho ng mga nagnenegosyo sa Nueva Ecija na makatutulong din sa lokal na ekonomiya ng mga munisipyo at siyudad.
Kaya ang parating panawagan ng DTI ay unahing tangkilikin at suportahan ang mga ipinagmamalaking gawang produkto sa lalawigan, bukod sa nakatutulong sa mga kapwa kababayan ay nakatutulong pa sa pagpapalago ng ekonomiya.