Tradisyunal na Puni ng Malolos, bida sa Likha ng Central Luzon 2019

Bida sa ginaganap na ika-21 Likha ng Central Luzon Trade Fair ang tradisyunal na Puni ng Malolos. 

Isa itong likhang sining na mula sa dahon ng Buli na ginagamit bilang palamuti sa mga pampamilyang okasyon gaya ng mga kasal, kaarawan, piging at iba pang malalaking pagtitipon. 

Sinabi ni Jonnah L. Garcia, isang social entrepreneur nitong Punique Timeless Woven Art na nakabase sa barangay San Vicente, ito ang kauna-unahang pagkakataon na lumahok siya sa taunang Likha ng Central Luzon Trade Fair mula nang maisama ng Department of Trade and Industry o DTI ang paggawa ng Puni bilang pinakabagong produktong Tatak Bulakenyo na naipasok sa programang One Town, One Product Next Generation. 


angan-tangan ni Jonnah L. Garcia, social entrepreneur ng Punique Timeless Woven Art na nakabase sa barangay San Vicente sa Malolos, ang isang Puni na likhang sining mula sa halamang Buli. (Shane F. Velasco/PIA 3)


Bagama’t matagal na silang gumagawa ng mga Puni ng kanyang biyenan na si Noemi P. Garcia, isa ring taga-Malolos, dalawang taon pa lamang pormal na nagbukas ang Punique Timeless Woven Art.

Ayon kay Jonnah, bago pormal na naging negosyo itong paggawa nila ng mga likhang sining na Puni ay isang libangan o hobby lamang ng kanyang biyenan ang paggawa ng Puni. Kapag may natuwa sa mga likha ng kanyang biyenan, may mga nagpapagawa at binibili ang bawat isang Puni sa halagang 25 piso. 

“Hindi lamang isang negosyo itong pagtitinda at paggawa ng Puni. Gusto rin naming ma-modernize ang art sa pamamagitan ng paggawa ng Puni at lalong maipakilala na ginagawa ito sa Malolos,” aniya. 

Ayon naman kay Noemi, kinder pa lamang ay nahaling na siya sa mga gumagawa ng Palaspas sa simbahan tuwing Domingo de Ramos o ang araw ng Linggo na simula ng mga mahal na araw. Mula noon, sinubukan niyang gumawa hanggang sa tuluyang dumami ang mga nagpapagawa. 

Katunayan, ipinagmalaki rin ni Jonnah na bago maging pormal na negosyo itong Punique Timeless Woven Art, umorder ng 4,000 piraso ng Puni ang pamahalaan na ginamit para sa Gala Dinner ng ika-31 ASEAN Leaders’ Summit na idinaos sa bansa noong 2017. 

Para kay Jonnah, ito ang nagbunsod nang magdesisyon siya na kumbinsihin ang kanyang biyenan na tuluyan na itong gawing pormal na negosyo at agad naman aniya itong pumayag. Dahil dito, nakahikayat sila ng limang kababaihang taga-Malolos na maging taga-gawa ng mga Puni upang dumami ang produksyon base sa mga nagpa-order. Masikap itong sinanay upang matutunang gumawa ng Puni. 

Pinakasikat sa mga likhang sining na Puni ay ang mga hugis Ibon, Bibe, Rosas, Hikaw, flower frame, flower ball at ribbons. 

Kaugnay nito, ikinagalak naman ni DTI Undersecretary Blesila A. Lantayona ang pagdating nitong bagong produkto ng OTOP Next Generation sa Likha ng Central Luzon Trade Fair. “Mula noong panahon ko na ako ay Regional Director ng DTI-Central Luzon, sa paglibot ko, ang dami-dami nang bagong mga produkto. Patunay ito na epektibo ang mga programa ng DTI at dumadami ang mga nai-ooffer natin sa merkado,” aniya. 

Tatagal ang pagdadaos ng ika-21 Likha ng Central Luzon Trade Fair hanggang Oktubre 6, 2019. Matatagpuan ito sa Megatrade Hall sa ikalimang palapag ng SM Megamall Building B sa EDSA-Ortigas sa lungsod ng Mandaluyong. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews