LUNGSOD NG MALOLOS — Inihahanda na ng Bulacan State University o BulSU ang mga Transcript of Records o TOR ng mahigit apat na libong mag-aaral nito sa kolehiyo, na nakatakda sanang magsipagtapos ngayong Hunyo 2020.
Iyan ang ibinalita ni BulSU President Cecilia Gascon dahil wala pang katiyakan kung kailan makakapagsagawa ng aktuwal na seremonya ng pagtatapos bunsod ng umiiral na community quarantine dahil sa COVID-19.
Paliwanag niya, tumanggi ang mga mag-aaral na magsisipagtapos na gawing online ang graduation.
Kaya’t target sanang maiusog sa Oktubre 2020 ang aktuwal na graduation ngunit hindi pa ito sigurado dahil nakadepende pa din ito sa magiging deklarasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Kaya’t mas prayoridad ng pamantasan na maihanada ang TOR ng mga nakatakdang magsisipagtapos lalo na ang mga kukuha ng licensure examinations.
Kaugnay nito, inabisuhan ang mga magsisipagtapos gayundin ang mga undergraduate na mga mag-aaral o non-graduating na upang makuha ang TOR ay kinakailangang maisumite ang lahat ng rekisito ng kani-kanilang mga pang-akademikong asignatura bago o hanggang Agosto 30, 2020.
Kung hindi makakapagsumite ng nasabing mga rekisito, bibigyan ng pansamantalang marka na 3.0.
Pagkatapos, bibigyan muli ng pagkakataon na makapagsumite at makumpleto ang mga rikisito hanggang sa Agosto 30, 2021 o isang taon mula ngayon.
Ito’y upang mapalitan ang pansamantalang grado na 3.0 ng karapat-dapat na marka.