LUNGSOD NG BALANGA — Tumanggap ng 2,000 pisong tulong pinansyal nitong Miyerkules ang bawat tricycle drivers sa Balanga mula sa pamahalaang lokal ng lungsod.
Ayon sa pahayag ni Balanga Mayor Francis Anthony Garcia, ang nasabing ayuda ay upan gmakapagbigay tulong sa mga drivers ngayong limitado ang kanilang pagbiyahe dahil sa banta ng coronavirus disease o COVID-19.
Aniya, nasa 2,381 drivers ang tumanggap ng ayuda mula sa 25 barangay na ginanap sa ibat ibang covered court sa lungsod.
Dagdag ni Garcia, nagkaroon ng kanya-kanyang iskedyul at oras ang bawat driver upang mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa at mapanatili ang social distancing sa pagbibigay ayuda.
Inaasahan ang panibagong pagpapatala sa mga susunod na araw sa kahilingan ng mga driver na hindi nakapagparehistro para sa tulong pinanysyal.
Matapos ideklara ang General Community Quarantine sa Bataan, muling binuksan ang operasyon ng mga pampublikong transportasyon sa Balanga kabilang ang pagbabalik pasada ng mga tricycle.
Mahigpit pa ring pinapatupad ang number coding system kung saan may takdang araw lamang ang pamamasada ng mga tricycle. Isang pasahero lang din ang pinapayagan kada biyahe.
Hindi pa rin pinapayagan magsakay ng mga residenteng nasa edad 20 pababa at 60 pataas liban na lamang kung essential travel o may health clearance ang nasabing pasahero.
Ilang sa mga pagbabago sa pamamasada ay ang paglalagay ng plastic cover pagitan ng pasahero at driver, pagkakaroon ng alcohol, sanitizer at foot bath ng mga drivers sa bawat pila, at mahigpit na pagsusuot ng face mask.