Violeta S. Dela Torre: Nabubuhay upang magturo

Dalawang klase ang guro: Gurong nagtuturo upang mabuhay at gurong nabubuhay upang magturo – BPGalban

Sa mga bansa sa daigdig at maging sa ating bansang Pilipinas, ang Marso ay itinuturing na Buwan ng Kababaihan. Kapag sumasapit ang ika-8 ng Marso, makahulugang ipinagdiriwang ang International Women’s Day o Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Ang panahong ito ay isang magandang pagkakataon upang kilalanin ang mga Pilipina. Isang pagpapahalaga sa kababaihan sa pamamagitan ng pagtatanggol at pagmamalasakit sa kanilang kapakanan.

Binigbigyan pugay ang kababaihan sapagkat malayo na ang kanilang narating at malaki ang naiambag sa pag-angat ng lipunan. Halos lahat ng sektor ng lipunan ay may mga babae, na ang talino, kakayahan at potensiyal ay naging mahalagang ambag, bahagi at sangkap sa kaunlaran, sa paglilingkod sa bayan, sa mga kababayan at pamayanan. Masasabing ang kababaihan ay kabalikat lagi sa pag-unlad ng ating bayan.

Si Gng. Violeta S. Dela Torre ay isa sa masasabing may malaking naiambag sa lipunang kanyang kinaaaniban. Nakatira siya sa Area 2, Sitio Libis, Barangay Calabuanan, Baler, Aurora. Siya ay ipinanganak noong ika-27 ng Hunyo 1965, isang guro at nagtuturo sa Calabuanan National High School.

Marami na siyang nakamit na karangalan sa kanyang pakikiisa at boluntayong pagtulong at pakikibahagi. Ginawaran na siya bilang Regional Outstanding Teacher II Awardee noong ika-27 ng Marso 2014 (2013-2014). Naging Volunteer Leader Awardee siya na iginawad ng 4H ers Aurora noong ika-10 ng Abril 2014. Aktibo siyang tagapag-ugnay hindi lamang sa kanyang trabaho kundi maging sa boluntaryo niyang pagtulong sa kanyang pamayanan.

At nito lamang ika-11 ng Disyembre 2018, ginawaran siya bilang Most Outstanding Volunteer Individual – Adult Category na iniabot ni Acting Aurora Governor Rommel T. Angara.

Paggawad kay Gng. Violeta S. Dela Torre bilang Regional Outstanding Teacher II (Secondary) ng Department of Education (contributed photo)

Panuntunan ni Gng. Dela Torre na ibigay ang lahat ng inaakala niyang maitutulong sa kapwa sa pamamagitan ng boluntaryong pagbabahagi ng kanyang kakayahan, sapagkat naniniwala siya na isang karangalan ang tumulong, ang magbigay at sumuporta ng walang hinihintay na kapalit.

Si Gng. Violeta S. Dela Torre sa kanyang pakikibahagi sa iba’t-ibang sektor ng pamayanan. (contributed photo)

Aniya, “ito ang aking kaligayahan, ang makatulong ng walang kapalit na anupaman. Naniniwala ako na higit ang biyaya sa pagbibigay kaysa sa tumatanggap.” (CLJD/JSL-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews