100 E-Trike, ipinagkaloob ng DOE sa Malolos

LUNGSOD NG MALOLOS — Dumating na sa Malolos ang 100 Electric Tricycle o E-Trike na ipinagkaloob ng Department of Energy.

Ayon kay outgoing Mayor Christian D. Natividad, ang nasabing mga E-Trike ay idedestino sa Malolos City Tourism Office upang magamit sa pagbisita ng mga turista sa mga makasaysayan at pamanang lugar sa lungsod. Bawat isa ay kayang makapaglulan ng hanggang anim na katao.

Kasalukuyang nakaparada ang mga ito sa garahe ng Malolos Sports and Convention Center kung saan isa-isa itong isinasailalim sa pangkalahatang pagsusuri o check-up. 

Sinabi ni City Tourism Officer Direk Armando P. Sta. Ana na malaking tulong ito sa pagikot-ikot ng mga turista. Halimbawa, pagbaba sa patio ng simbahan ng Barasoain mula sa kanilang sinakyang bus, maaari nang sumakay sa E-Trike na maghahatid sa kanila sa Casa Real, Kamistisuhan District kung saan matatagpuan ang mga pamanang bahay na naging tanggapan ng mga ahensya noong Unang Republika, mga bahay ng mga Kadalagahan ng Malolos at ang Katedral-Basilika ng Malolos.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews