11,227 trabaho, binuksan ng DMW at DOLE sa Bulacan Job Fair

Umabot sa 11,227 na mga trabaho ang magkasabay na binuksan ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Labor and Employment (DOLE), bilang handog sa pagdiriwang ng Ika-96 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Gat. Blas Ople na ginanap sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos nitong Biyernes, Pebrero 3, 2023.

Pinangunahan ang pagbubukas ng nasabing face-to-face jobs fair ni DMW Secretary Susan ‘Toots’ Ople, anak ni Ka Blas Ople kasabay ng pagdiriwang ng lalawigan ng Bulacan sa Ople Day. 

Pinakamarami sa bilang na ito ang 6,918 na overseas jobs na iniaalok ng nasa 29 na mga overseas employers habang may 4,390 na mga lokal na trabaho ang binuksan ng 51 local employers.

Binilinan ni Secretary Ople ang mga aplikante na tandaan ang ‘First Time, Last Time’ Rule sa pagharap sa job interview sa inaaplayang kompanya. Una rito, kailangang maayos ang resume na may malilinaw na impormasyon gaya ng email address.

Nararapat na sumalamin ang resume sa pagkatao at pagiging kwalipikado ng isang aplikante. Dapat ding magkaroon ng isang kaaya-ayang social media page o account ang isang aplikante dahil isinasama na rin ang mga nilalaman nito sa isinasagawang screening.

Pangunahin sa uri ng mga inaalok na trabaho sa ibang bansa ang health care sector kung saan may mga kailangang nurses sa Germany sa ilalim ng Philippines-Germany bilateral agreements on Labor na nilagdaan nitong Hunyo 2022.

Oportunidad din para sa mga nurses ang patuloy na nakabukas sa Japan sa ilalim ng umiiral na 2006 Japan-Philippines Economic Partnership Agreement o JPEPA, iba pa rito ang mga nakabukas na trabaho para sa nasabi ring posisyon sa United Kingdom, Kuwait at Qatar.

Sinabi ni Sec. Ople na nirerepaso na ng DMW ang pagpasok nito sa isang memorandum of agreement sa Department of Health (DOH) at Commission on Higher Education o CHED para bigyan ng scholarship grant ang mga nag-aaral ng kursong Nursing.

Ipinaliwanag ng kalihim na bagama’t kabilang na sa benepisyaryo ng umiiral na Universal Access for Quality Tertiary Education Act o Republic Act 10931 ang mga nag-aaral sa nasabing kurso sa mga pampublikong kolehiyo at pamantasan, magiging saklaw ng binubuong scholarship program ang para sa iba pang gastusin.

Kaugnay nito, nasa 122 na mga OFWs o kanilang mga kaanak ang nabiyayaan ng iba’t ibang tulong mula sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA na isang attached agency ng DMW.

Ayon kay OWWA-Central Luzon Regional Director Falconi Millar, 49 ang nabiyayaan ng halagang mula P5 libo hanggang P20 libong ayuda sa ilalim ng Balik Pinas, Balik Hanapbuhay o BPBH. 

Ito ang programa na nagbibigay ng puhunan sa mga OFWs na nais nang mag-settled down sa Pilipinas.

Nasa 28 ang nabigyan ng medical assistance na umaabot hanggang P20 libo, siyam na tulong para sa mga namatayan ng kaanak na OFW na nagkakahalaga ng P20 libo at anim para sa insurance ng iba ring namatayan na umaabot sa P120 libo.

Para sa anak ng mga OFWs, 12 ang naipailalim sa OFW Dependent Scholarship Program o ODSP na nagkakahalaga ng P10 libo kada isang semestre at 15 sa Education and Livelihood Assistance Program o ELAP kung saan may halagang P5 libo ang ibinigay sa anak na nasa basic education, P10 libo para sa nasa senior high school at P10 libo para sa nasa kolehiyo.

Iba pa rito ang dalawang anak ng OFWs na naisama sa Education for Development Scholarship Program, kung saan pinagkakalooban ng hanggang P60 libo kada school year ang isang nag-aaral sa kolehiyo hanggang sa matapos sa loob ng apat hanggang limang taon.

Mayroon namang isang OFW na nabigyan ng P20 libo na Special Financial Assistance.

Para kay Gobernador Daniel Fernando, minabuti ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na regular na magdaos ng Jobs Fair bilang pagpaparangal kay Gat. Blas Ople na tubong Hagonoy, Bulacan na nagbalangkas ng Labor Code of the Philippines noong 1974. 

Ito ang nagbunsod upang maging patakaran sa bansa ang pagkakaroon ng minimum wage at overtime pay.

“Ang job fair po natin ngayon ay alay natin sa alaala ni Blas Ople because today is his birthday. Pinasasalamatan natin ang mga ahensya na katuwang ng ating Pamahalaang Panlalawigan. Patuloy po tayo sa paghikayat sa pagpasok ng iba’t ibang kumpanya, proyekto, negosyo’t pamumuhunan sa Bulacan. Ito ay upang matiyak natin na masigla ang mga lokal na ekonomiya at may nakalaang mga trabaho sa bawat Bulakenyo. Bulakenyos, parating na ang development sa atin,” wika ng gobernador.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews