Hinihinalang sobrang chlorine na inihalo sa tubig ang naging sanhi ng pagkaka-ospital ng labing-apat menor de edad habang ang mga ito ay naliligo sa swimming pool ng Sitio Antonio Resort nitong Biyernes Santo ng umaga sa Barangay Bagong Barrio, Pandi, Bulacan.
Kinilala ni Police Major Avelino Protacio Jr. ang mga biktima na sina Bryan Sicad, 22, Tondo Manila; Jenny Rose Bonina, 12 ng Laloma Q.C.; Adrian Bellar, 3, Laloma Q.C.; Julian kyle Santos, 7 at Alexander Paragan, 8, kapawa ng Bagong Bayan Caloocan; Jenel Sanchez, 4, Nick Daniel Sanchez, 11, kapwa ng Poblacion Marilao, Bulacan; Sefe Rina Oranga, 4, Manila; Katherine Pangan, 9, Manila; Jhana Lising, 9, at Pauline Lising, 5 kapwa ng Sta Maria, Bulacan; Gian Benedict Palomo, 6 ng Tugatog, Malabon; Jessa Soliman, 9 ng Marilao, Bulacan at Marcus Adan Bote, 6, residente ng Tandang Sora, Quezon City.
Isa-isang nahilo at nagsusuka ang mga biktima na mabilis na isinugod sa ospital habang naliligo sa nasabing resort na pag-aari ng dating konsehal ng bayan na si Sonny Antonio.
Base sa imbestigasyon ng pulisya at mga rumespondeng tauhan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), bago makaranas ng kakaibang pakiramdam ang mga biktima ay nakalanghap ang mga ito ng matinding amoy ng chlorine habang ang mga ito ay naliligo.
Ayon kay Protacio, hindi agad inireport ng management ang nangyaring insidente gayung meron naman sila nakatalagang dalawang pulis sa Police Assistance Desk na nasa loob mismo ng nasabing resort.
Nagsagawa na rin ng hiwalay na imbestigasyon ang Municipal Health Office sa insidente kung saan kumuha sila ng sampol ng tubig sa swimming pool upang mabatid kung sumobra nga sa inihalong chlorine ang namamahala ng resort.
Sakaling nagkaroon nga ng negligence o kapabayaan ang pamunuan ng Sito Antonio ay kakasuhan nila ito ng kaukulang kaso.
Nabatid na nagpaabot naman ng mensahe ang may-ari ng resort na sasagutin nila ang lahat ng danyos ng mga biktima.
Sa ngayon ay labingdalawa sa mga biktima ay nakalabas na ng ospital at nakauwi na sa kanilang mga tahanan at ligtas habang ang dalawa pa ay nananatili sa pagamutan at patuloy na inoobserbahan.