19 pulis positibo sa COVID-19

 4 

CAMP CRAME – Nadagdagan pa ang mga pulis na positibo sa COVID 19 na ngayon umaabot na sa 19.

Ito ang kinumpirma ni PNP Spokesperson Brig General Bernard Banac batay na rin sa ulat ng PNP Health Service.

Sinabi ni Banac tatlong pulis ang nadagdag na positibo sa virus.

Ito ay ang isang babaeng opisyal na edad 31 anyos at residente ng Laguna, 41 anyos na lalaking pulis na taga Cavite at isang 45 anyos na babaeng pulis rin na residente ng Batangas.

Umaabot na rin sa 280 na mga PNP personnel ang ikinikonsiderang Person Under Investigation o PUI habang 1,332 PNP personnel ay person under monitoring.

Sa ngayon ay 39 na mga PNP personnel ang naka admit na sa Kiangan Billeting Center na nagsisilbing Patient Care Center sa Camp Crame. 

Ang 39 na mga pulis na ito ay kasama sa PUI na sumasailalim sa quarantine.

Nauna nang inanunsyo ng PNP na dalawa na sa kanilang tauhan ay namatay na dahil sa COVID 19.