3-milyong kilo ng bigas, ipamamahagi sa mga Cabanatueño

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Humigit kumulang tatlong milyong kilong bigas ang ipamamahagi ng pamahalaang lungsod ng Cabanatuan sa lahat ng mga nasasakupang apektado ng Enhanced Community Quarantine o ECQ. 

Ayon kay Cabanatuan City Information and Tourism Office Chief Francis Aldwin Balaria, ito ang inilaan ng pamahalaang lokal para sa 95,000 pamilya sa buong siyudad.

Ang bawat pamilya aniya ay tatanggap ng sampung kilong bigas bilang paunang agapay sa pangangailangang pagkain ng bawat mamamayan. 

Pahayag ni Balaria, tatlong beses pupunta sa barangay ang mga kawani ng City Hall upang mamahagi ng bigas hanggang sa buwan ng Abril kung kaya’t sumatutal ay 30 kilo ng bigas ang tatanggapin ng bawat pamilyang Cabanatueño. 

Ngayong araw, Marso 25 ay nagsimula nang umikot ang mga kawani ng lokalidad na namigay ng mga bigas sa mga barangay ng Patalac, Bagong Buhay, Macatbong, Kalikid Norte at Kalikid Sur.

Lubos ang pasasalamat ng pamahalaang lokal sa mga opisyales ng barangay na katuwang sa pagtulong sa mga nasasakupan. 

Kaugnay nito ay umaasa ang pamahalaang lungsod ng Cabanatuan sa patuloy na suporta, pang-unawa at kooperasyon ng mga kababayan sa pagsunod sa mga patakaran sa pagpapatupad ng ECQ. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews