32 residente ng Macabebe, tumangap ng tulong pangkabuhayan mula sa DOLE

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — May 32 residente mula sa bayan ng Macabebe ang nakinabang kamakailan sa 500,000 pisong halaga ng ayudang kaloob ng Department of Labor and Employment o DOLE sa ilalim Integrated Livelihood and Emergency Employment Program nito.

Sa kabuuang halagang ito, 300,000 pisong ayuda ang ipinamahagi sa 20 ambulant vendors. Samantala, ang natitirang 200,000 piso ay inilaan naman sa 12 mananahi.

Ang bawat benepisyaryong ambulant vendor ay nakatanggap ng Nego Kart na pwede nilang gamitin para sa pagbebenta ng meryenda at mga kakanin; mga pagkaing kalye tulad ng fish ball, hotdog, at kikiam; at sariwang karne at isda.

Nabigyan naman ng mga makina at iba pang gamit sa pananahi ang natitira pang mga benepisyaryo.

Bukod sa mga starter kits, sumailalim din ang mga benepisyaryo sa entrepreneurship development training upang matiyak ang wastong pangangasiwa at pagsustenta ng kanilang mga proyektong pangkabuhayan.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni DOLE Regional Director Ana Dione na ang kanilang pangunahing layunin ay bigyan ng pagkakataon ang mga indibidwal o grupo na magsimula ng sariling negosyo upang higit na makinabang ang kanilang mga pamiya at makapagbigay ng trabaho sa kanilang komunidad.

Samantala, sa ngalan ng lahat ng kanilang kapwa benepisyaryo, nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat si Mary Jane Carreon, isang ambulant vendor, para sa nasabing tulong-pangkabuhayan na ipinangako niyang lalo pang pagsisikapang mapalago.

Aniya, malaking tulong ito para sa kanyang pamilya, at tiniyak niyang hindi nila bibiguin ang DOLE at ang lokal na pamahalaan sa tulong na ipinagkaloob sa kanila.

Ang pagkakaloob ng starter kits ay isa sa mga istratehiya ng DOLE upang tugunan ang problema sa kawalan ng trabaho sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nais magsimula ng maliit na negosyo na magkaroon ng hanapbuhay upang magkaroon ng mas malaking kita at permenenteng mapagkakakitaan. (CLJD/MJLS-PIA 3)Marie Joy L. Simpao

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews