5 Bulacan rescuers natagpuang patay

LIMANG rescuers na miyembro ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa Bulacan ang nasawi habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa kasagsagan ng pananalanta ni Super Typhoon Karding Linggo ng gabi sa bayan ng San Miguel sa nasabing lalawigan.

Ito ang kinumpirma ni Bulacan Governor Daniel Fernando, chairman ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council kung saan limang tauhan ng Bulacan PDRRMO ang nalunod at nasawi habang nagsasagawa ng rescue operation sa Sitio Banga-banga sa Barangay Kamias.

Kinilala ang mga fallen heroes ng PDRRMO na sina George Agustin, Troy Justin Agustin, Marby Bartolome, Narciso Calayag at Jerson Resurrecion, PDRRMO rescuers ng Provincial Government of Bulacan.

Base sa inisyal na report, ang mga biktima mula sa tanggapan ng PDRRMO sa Malolos ay agad na tumungo sa bayan ng San Miguel sakay ng isang rescue truck na nasa 62 kilometro pa ang layo upang magsagawa ng rescue operation sa mga binahang residente dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan hatid ng Super Typhhon na si “Karding”.

Nabatid na pagdating sa nasabing lugar ay tumirik ang truck kaya napilitan ang mga rescuers na gamitin ang dala nilang motorized banca upang makarating sa destinasyon kung saan lubog sa lagpas taong baha ang mga residenteng kailangan nilang iligtas.

Sa kasamaang-palad ay hindi kinaya ng bangka ang sobrang lakas ng current ng flash flood at tumaob ito hanggang sa  tinangay ang mga rescuers na bagamat pawang naka-life vest ay kapwa nalunod ang mga biktima sanhi ng malakas na alon.

Narekober na lamang ang wala nang buhay na katawan ng mga biktima Lunes bandang alas-6:30 ng umaga na pawang mga naka-suot pa rin ang mga life-vest at helmet ng mga ito.

Nagpa-abot naman ng pakikiramay sa pamilya si Gob Fernando at Vice Gob. Alex Castro sa mga naulilang pamilya at nangakong magkakaloob ng tulong sa mga tinaguriang fallen heroes ng Bulacan Rescue Team.

“Nakakalungkot, ang Provincial Government ng Bulacan ay nakikidalamhati sa pagkasawi ng ating mga  bayaning rescuers at nakahanda tayo na tulungan ang pamilya sa abot ng ating makakaya,” ayon kay Fernando.

Samantala, naghanda naman ng provincial government ng nasa 1,000 family food packs (FFP), at karagdagang 20,000 packs para sa pamamahagi sa mga Bulakenyong maaapektuhan ng super typhoon.

Nakapagtayo na rin ng mga modular tent ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa Bulacan Capitol Gymnasium na magsisilbing isa sa mga evacuation center sa lalawigan.

Hinikayat rin ng gobernador ang kanyang mga kalalawigan na magdasal para sa proteksyon ng bawat Bulakenyo.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews