Umabot sa 7,397 katao na pawang mga quarantine violators ang dinampot ng Bulacan Police kaugnay ng ipinatutupad na Provincial Executive Order No. 8, Series of 2021 mula pa sa kasagsagan ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) at ngayon ay Modified ECQ sa nabanggit na lalawigan na kabilang sa NCR Plus bubble.
Ang mahigpit na pagpapatupad ng EO No. 8, Series of 2021 ay nilagdaan ni Governor Daniel Fernando noong March 16, 2021 matapos isailalim sa ECQ ang probinsiya sanhi ng patuloy na pagtaas ng kaso ng Coronavirus disease o Covid-19 na hanggang sa ngayon ay patuloy pa ring ipinapatupad ang nasabing kautusan bagamat ibinaba na sa MECQ.
Base sa talaan ng Bulacan Provincial Police Office (PPO), ang nasabing datos ay mga inibiduwal na lumabag sa naturang executive order kabilang na ang 4,985 sa mga nabigyan ng ticket sa paglabag sa Minimum Health Standard; 2,232 katao sa curfew violators at 180 katao naman sa Liquor Ban na na-isyuhan ng citation na nagsimula pa ng Marso 17 hanggang Abril 14, 2021.
Ayon kay Bulacan Police provincial director PCol. Lawrence Cajipe, 24 oras ang pag-iikot at pagbabantay ng kapulisan sa buong lalawigan ng Bulacan kabilang na sa mga mall, palengke at transportation terminals base na rin sa mahigpit na derektiba ni Fernando upang hindi kumalat ang virus.
Nabatid na 1,887 naman ang naitalang mga checkpoint operation kung saan pangunahing hinihigpitan ay ang mga border sa mga bayan ng Calumpit, San Miguel, San Jose Del Monte, Obando, Marilao at Meycauayan.
Umaarangkada na rin ngayon ayon pa kay Cajipe ang “Oplan Bandillo” kung saan umiikot ang mga patrol ng mga police station upang magpaalala o bigyan babala ang mga tao bukod pa rito ang “Prayer Patrol” ni Gob Fernando na siya namang pinapatugtog buong araw habang lumilibot sa buong probinsiya.