Barangay officials sa Tarlac hinimok na itaas ang antas ng serbisyo

LUNGSOD NG TARLAC — Hinimok ni Tarlac Governor Susan Yap ang humigit kumulang 5,000 bagong halal na barangay officials sa lalawigan na itaas ang antas ng serbisyo ng gobyerno upang mas maramdaman ng bawat mamamayan ang pagbabagong nais ihatid ng mga ito.

Sa kanyang mensahe sa ginanap na mass oath taking, binigyang diin ni Yap na panahon na upang itaas ang antas ng serbisyo ng gobyerno sa pamamagitan ng mga proyekto at programang magbibigay ng magandang epekto at lubos na mapapakinabangan ng mga tao.

Gayundin ang pagpapalakas ng mga pangunahing serbisyo sa mga barangay tulad ng pangkalusugan, edukasyon, imprastruktura at kabuhayan.

Batid ni Yap na may kakulangan sa pondo ang bawat barangay kaya’t hindi mapagsabay-sabay ang pagpapatupad ng mga proyekto ngunit hindi umano dapat ito maging hadlang upang maiangat din ang antas ng pamumuhay ng mga nasasakupan nito.

Dagdag pa niya, nararapat na ang bawat opisyal ay patuloy sa paglilingkod ng may malasakit sa mahihirap, transparency at accountability.

Hinikayat din ni Yap ang mga opisyal na alamin ang mga serbisyo at proyekto ng pamahalaang panlalawigan gayundin ang mga programa ng administrasyong Duterte.

Kabilang sa mga dumalo sa naturang aktibidad si Special Assistant to the President Christopher Lawrence “Bong” Go.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews