Tea Rose Marmol tinangkang ipuslit nasabat ng BENRO, suspek nakatakas

Nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Bulacan Environment and Natural Resources (BENRO) at Angat Police ang dalawang dump truck na may lulang 2 malaking bloke ng Tea Rose Marble makaraang tangkaing ipuslit palabas ng lalawigan subalit ang umanoy Chinese National na may dala nito ay nakapagtatakang nakatakas kamakalawa ng gabi.

Pinaghahanap naman ngayon at sasampahan ng kaukulang kaso base sa derektiba ni Bulacan Governor Wilhelmino Sy-Alvarado ang tumakas na nagpakilala lamang sa pangalang “Mr. Sy”, gayundin ang dalawang dump truck driver na kasalukyan nasa pangangalaga ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) na sina Dennis Villarin, 48; Jenel Dagon, 25, kapwa tubong Davao City at ang may-ari ng trucking na nakilalang si Michael Lee.


Dump truck driver na sina Dennis Villarin at Jenel Dagon.

Batay sa panimulang imbestigasyon, bandang alas-12 kamakalawa ng tanghali nang makatanggap ng report ang tanggapan ng gobernador mula kay BENRO chief Elizabeth Apresto na may 2 dump truck na may plate number UUQ-424 at UQY-993 na may lulang Tea Rose Marble ang namataang bumibiyahe mula sa Biak Na Bato sa San Miguel, Bulacan.

Agad na ipinag-utos ni Alvarado na pigilan at imbestigahan kung legal ang mga hawak nitong dokumento kung saan nasabat ang mga ito bandang alas-2:00 ng hapon sa Barangay San Roque sa Angat, Bulacan ng mga tauhan ng BENRO at Angat Police.

Isang nagpakilalang Mr. Sy ang escort ng nasabing mga dump truck at ayon dito, isang nagngangalang Manolo Caiwan ang may-ari ng nasabing marmol at iyon umano ay ipinagkaloob umano sa kanila ng taga DENR subalit wala maipakitang dokumento ukol dito at ang mga pinresentang papeles o permit to travel ay matagal nang paso.

Dahil dito, inimbita ni BENRO Apresto at Chief Insp. Isagani Santos, hepe ng Angat Police si Mr Sy at ang 2 driver upang imbestigahan at dinala ang mga marmol sa Kampo Heneral Alejo Santos sa Lungsod ng Malolos.

Nabatid na habang papunta sa Bulacan PNP provincial headquarters ay nawala at nagawang makatakas ni Mr Sy lulan ng kaniyang Fortuner na may plate conduction number A5 0636 at nalaman na lamang ito ng mga arresting authorities nang nasa kampo na sila at hindi na makita si Sy.

Ayon sa isang BENRO personnel na ayaw ipabanggit ang pangalan, aminado ito na nagkaroon ng kapabayaan sa kanilang parte lalo na sa kapulisan kayat nakatakas ang isa sa tinuturing na suspek.

Dismayado naman ang gobernador nang matanggap ang impormasyon pero pinasasampahan niya ang mga suspek ng kasong Violation of RA7942 Mining Act 1995 o Theft of Mineral Resources at Provincial Ordinance COO5-2011 Revised Environmental Code.

Ang nakumpiskang marmol ay tinatayang may sukat na 5.3 cubic meter at 5.4 cubic meter na tinatayang aabot sa halagang P280k at ito ay kasalukuyan nasa pangangalaga ng Bulacan PNP.

Napag-alaman na ang nasabing mga marmol ay bahagi ng 257 pirasong Tea Rose Marble na nabili ng isang Charlie Ang taong 2011 sa Bulacan Provincial Government na kung saan 160 piraso pa lang nito ang bayad na hanggang sa ngayon ay nasa pangangalaga pa rin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at hindi pa rin naibababa mula sa Biak Na Bato sa bayan ng San Miguel.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews