Kontrata para sa tren mula Bocaue hanggang Tutuban, pirmado na

LUNGSOD NG MEYCAUAYAN — Nilagdaan na ang kontrata para sa konstruksyon ng istrakturang paglalatagan ng riles ng tren mula Bocaue, Bulacan hanggang Tutuban, Maynila. 

Ito rin ang hudyat ng aktwal na konstruksyon ng Package 1 ng Phase 1 ng North-South Commuter Railways o NSCR na kilala rin bilang Philippine National Railways o PNR Clark project. 

Bukod sa viaduct o istrakturang paglalatagan ng riles, kasama sa kontrata ang pagtatayo ng anim na mga istasyon sa mga bayan ng Bocaue, Marilao, Meycauayan, mga lungsod ng Valenzuela at Caloocan at sa Solis sa Maynila.

Nilagdaan na ang kontrata para sa konstruksyon ng istrakturang paglalatagan ng riles ng tren mula Bocaue, Bulacan hanggang Tutuban, Maynila. Ito rin ang hudyat ng aktwal na konstruksyon ng Package 1 ng Phase 1 ng North-South Commuter Railways na kilala rin bilang Philippine National Railways Clark project. (Shane F. Velasco/PIA 3)

 

Kabilang sa mga lumagda sina Transportation Secretary Arthur Tugade, Transportation Undersecretary for Railways Timothy Batan, PNR General Manager Junn B. Magno, Keiji Hirano na managing executive officer ng kontratistang Hapon na Taisei Corporation, Jorge A. Consunji na Pangulo ng Pilipinong kontratista na D.M. Consunji at kinatawan mula sa Japan International Cooperation Agency o JICA.

Sa isang pahayag, sinabi ni Tugade na nito lang Pebrero ay sinimulan na ang aktwal na konstruksyon ng Package 2 na binubuo ng riles at tatlong istasyon mula sa Malolos hanggang Bocaue. 

At sa pagsisimula ng Package 1, tumutugon aniya ang ahensya sa utos ni Pangulong Duterte na pagkalooban ang mga mamamayan ng komportableng pamumuhay.

Kapag pinagsama ang dalawang packages ng Phase 1 ng NSCR, may haba itong 38 kilometrong salubungang riles mula sa Tutuban hanggang Malolos. 

May kabuuang 106 bilyong piso ang naturang proyekto kung saan ang 93 bilyong piso ay pinondohan ng JICA habang ang nalalabing 13 bilyong piso ay pinopondohan ng pambansang pamahalaan. (PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews