BALIWAG, Bulacan — Dinalumat sa isang panayam na idinaos ng National Historical Commission of the Philippines ang mga naging ambag ng bayaning si Mariano C. Ponce sa pagpapatatag ng relasyon ng Pilipinas at Tsina sa unang bahagi ng ika-20 siglo.
Sentro ng pinag-usapan ang personal na relasyon at pagkakaibigan niya kay Sun Yat-Sen.
Sinabi ni Propesor Jefferson Mendez ng Lyceum of the Philippines University na sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Emilio Aguinaldo, si Ponce ang naatasan na mag-angkat ng mga armas pandigma sa Japan sa kasagsagan ng rebolusyon laban sa mga Kastila.
Ito ang nagbunsod upang mahirang siya bilang sugo ng bansa o posisyong embahador sa kasalukuyan. Layunin nito na sa pamamagitan ni Ponce, maihatid niya ang balitang lumaya na ang Pilipinas at ganap nang isang Republika.
Ipinaliwanag ni Mendez na sa panahon ng pagtapak ni Ponce sa Japan, nagsisilbi itong kanlungan ng iba’t ibang pulitikong personalidad na lumayas mula sa kani-kanilang mga bansa. Dito niya nakilala si Sun na Pangulo ng tinatawag noon na Republika ng Tsina.
Ang tinutukoy na Republika ng Tsina noon ay ang kabuuan ng mainland China at ang Formosa na tinatawag ngayon na Taiwan.
Sa dalas ng pagkikita nina Ponce at Sun sa Japan, naging personal na malapit na magkaibigan sila at nagpapalitan ng mga kwento tungkol sa nagaganap na rebolusyon sa Pilipinas at ang kaguluhang pulitikal din sa Tsina.
Bukod sa madalas na pagkikita, pangunahing nagpalapit sa kanila ay kapwa sila mga doktor na nag-aral sa kanluraning bansa.
Nagresulta ang pagkakaibigan nina Ponce at Sun upang makabili ng mga armas para sa rebolusyon sa Pilipinas. Sa pakikipag-ugnayan sa kanya, hindi lang mga armas na halagang anim hanggang pitong libong piso ang nabili ni Ponce bagkus nakabili rin siya ng barko sa halagang 13 hanggang 14 libong piso. Ito ang barkong maghahatid ng mga armas sa Pilipinas
Ngunit hindi nakarating sa Pilipinas ang barko dahil lumubog ito habang naglalayag sa karagatang malapit sa Shanghai noong Hulyo 21, 1899. Labis ang naging paghahapis ni Ponce dahil sa nangyari. Nang mabalitaan ito ni Sun, pinagaan niya ang loob ni Ponce at nagpayo na ang aksidenteng nangyari ay bahagi ng rebolusyon kaya’t hindi dapat panghinaan ng loob.
Dahil dito, sinubukan ulit ni Ponce na mamili ng mga panibagong armas. Kasabay nito, kinumbinsi naman ni Sun ang mga taga Hongkong na pahiramin siya ng mga armas upang gamitin sa rebolusyon sa Tsina. Para kay Sun, kung maipapanalo ang rebolusyon sa kanyang bansa, tutulong aniya ang kanyang pwersa sa rebolusyon sa Pilipinas.
Samantala, matapos ang mga rebolusyon sa kani-kanilang mga bansa, bumiyahe si Ponce papuntang Canton, China upang dalawin si Sun. Ngunit hindi na siya nakarating sa tahanan ni Sun dahil binawian siya ng buhay habang naka-stop over sa Japan.