Senior citizens ng Hermosa hiniling unang desisyon sa conversion ng lupa

Nitong nagdaang Hueves, January 23, 2020, ay lumagda sa “Pahayag ng Nagkakaisang Paninindigan ng mga Nakatatandang Mamamayan (Elders at Senior Citizens) Para Sa Conversion ng Lupang Pagmamay-ari ng Riverforest Development Corporation (RDC) na sumasakop sa Barangay Sumalo, Hermosa, Bataan.”

Nanawagan ang mga nakatatanda sa lugar kay Pangulong Rodrigo R. Duterte sa pamamagitan ng isang pormal na liham na humihiling ng pabor na kautusan para anila, muling ibalik ang nauna nang kapasyahan na conversion ng may mahigit 200 ektaryang lupain sa Barangay Sumalo mula agrikultural, para maging industriyal, residensyal at komersyal.

Taong 1994 nang ideklara ng Department of Agriculture na “best suited for purposes other than agricultural production” ang lupain sa lugar base sa hawak na dokumento ng RDC na Department of Agriculture Region 3 Ocular Inspection Report.

“Katunayan po sa loob ng nakalipas na maraming taon, kami po na mamamayan ng Sumalo ay hindi na nabubuhay sa pagbubungkal ng lupa.

Marami po sa mga mamamayan namin ang nagtatrabaho sa labas ng Sumalo para itaguyod ang ikabubuhay na ng aming mga pamilya,” pahayag ni Mario Dela Fuente sa mga mamamahayag sa isang interview.

Dagdag pa ni Dela Fuente, ang pagkakaroon ng Hermosa Ecozone at ang mga nagaganap na industriyalisasyon sa Bataan ay napakagandang kaganapan para aniya matiyak ang maunlad na ikabubuhay ng kanilang pamayanan.

Ang RDC ayon kay Dela Fuente, ay matagal nang may planong pagpapa-unlad sa lugar subalit hindi naisasakatuparan dahil sa legal battles o tunggalian ng mga mamamayan dito na aniya ay pakana ng grupong “nagpapanggap na mga magsasaka at ayaw makiisa sa planong progreso” sa lugar.

Nitong Nobyembre 18, 2019 ay inilabas ng Regional Trial Court ang Desisyon na pumapabor sa Petition for Declaratory Relief na isinampa ng RDC kaugnay ng usapin sa Department of Agrarian Reform (DAR).

Ibig sabihin, ayon pa kay Dela Fuente, pagkatapos aniya ng maanomalyang komposisyon ng Barangay Agrarian Reform Council at pagpasok ng anila’y maraming pekeng beneficiaries noong 2014, nililimitahan na ng Korte ang DAR hanggang sa pagsasagawa na lamang ng notice of valuation sa lupa ng Sumalo.

Sa pamamagitan ng Declaratory Relief, pinipigil ng Korte ang DAR na magsagawa ng cancellation of title o pag-angkin ng DAR sa lupaing pag-aari ng RDC na mas kilala rin sa tawag na Litton Estate.

Kamakailan base sa legal na dokumento mula sa Municipal Circuit Trial Court Joint Decision for Ejectment, pinaboran din ng Korte ang hiling ng RDC na paalisin ang ilang unlawful detainers para anila “mawala ang mga elementong panlilinlang sa mga tao sa loob ng Sumalo.

Kabilang sa pinaaalis sa lugar base sa Court Decision ay ang mismong Punong Barangay ng Sumalo na si PB Rolando Martinez.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews