3 suspected COVID na batang pasyente patay

Tatlo bata na suspected COVID-19 patients ang nasawi sa Bulacan Medical Center.

Ang mga ito ay may edad na tatlo at siyam na taong gulang.

Isang 8-anyos na batang babae naman mula sa bayan ng Sta. Maria ang positibo sa COVID habang limang pasyente naman ang nakarekober sa naturang viral disease sa lalawigan ng Bulacan.
Base sa report ni Dra. Joy Gomez, head ng Bulacan Provincial Office I- Public Health Emergency, dalawang edad tatlong taon gulang na batang babae at lalaki at isang babae rin na siyam na taon-gulang ang nasawi habang isang 8-anyos na batang babae ang kumpirmado at positibo sa sakit na covid.

Bagamat ibat-ibang karamdaman ang dahilan ng pagkasawi ng mga bata ay itinuturing o kabilang ang mga ito bilang suspected cases. Ang mga biktima ay nasawi sa emergency quarantine tent facility ng BMC.

Nabatid na ang tatlong taon gulang na batang babae ay hinihinalang namatay sanhi ng bacterial meningitis at ang lalaking bata na ka-edad din nito ay acute gastroenteritis with severe dehydration ang siya namang dahilan ng pagkamatay habang ang siyam na taong batang babae naman ay namatay sanhi ng hypovolemic shock secondary to bleeding esophageal varices. 

Problema naman ngayon ng mga kaanak ng mga namatay na biktima ang bayarin sa ospital at pagpapalibing o pagpapa-cremate sa labi ng mga namatay na bata.

Ayon kay Gomez, kailangan mailibing ang mga labi sa loob ng 12-oras mula sa pagkamatay ng mga ito. Naisagawa na rin ang swab testing sa dalawa sa nasabing mga biktima.

Samantala, ang 8-anyos na batang babae na nagpositibo sa covid disease ay unang na–detect na may sakit na dengue noong Abril 9 ngunit makaraan ang dalawang araw ay sumakit ang lalamunan nito at nang i-swab test ay nagpositibo ito sa Covid-19.

Ang nasabing bata ayon naman kay Governor Daniel Fernando ay asymptomatic na at kasalukuyang naka-home quarantine habang hinihintay ang resulta ng ikalawang Covid-19 testing.

Sinabi naman ni Fernando na mayroong limang bagong pasyente ang nakarekober sa nasabing infectious disease na kinilala bilang sina patient PH178, PH2502, at PH4169 mula sa bayan ng Marilao; PH454 mula sa Lungsod ng San Jose Del Monte at PH753 mula naman sa Lungsod ng Meycauyan.

Dagdag pa ng gobernador na dumating na ang 1,428 PCR Covid-19 test kit mula sa Philippine National Red Cross na gagamitin sa mga frontliners sa lalawigan.

Kaugnay pa rin nito, namatay din ang isang 83-anyos na babae mula pa rin sa Malolos na na-confine sa isang pagamutan sa Quezon City kaugnay ng nasabing viral disease.

May kabuuang 123 na ang mga kaso ng nagpositibo sa lalawigan ng Bulacan kung saan 35 ang nakarekober, 26 ang nasawi habang 151 naman ang naitatala na probable cases at 831 ang suspect cases.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews