Isang 8-anyos na batang babae mula sa bayan ng Sta. Maria ang nagpositibo sa coronavirus habang limang pasyente naman ang nakarekober sa naturang sakit batay sa pinakahuling talaan ng Bulacan Provincial Health Office.
Base sa report ni Dra. Hjordis Ma. Celis, chief ng Bulacan Provincial Office II, ang 8-anyos na bata ay unang na–detect na may sakit na dengue noong Abril 9 ngunit makaraan ang dalawang araw ay sumakit ang lalamunan nito at nang i-swab test ay nagpositibo ito sa Covid-19.
Ang nasabing bata ayon naman kay Governor Daniel Fernando ay asymptomatic na at kasalukuyang naka-home quarantine habang hinihintay ang resulta ng ikalawang Covid-19 testing.
Sinabi ni Fernando na mayroong limang bagong pasyente ang nakarekober sa nasabing infectious disease na kinilala bilang sina patient PH178, PH2502, at PH4169 mula sa bayan ng Marilao; PH454 mula sa Lungsod ng San Jose Del Monte at PH753 mula naman sa Lungsod ng Meycauyan.
Dagdag pa ng gobernador na dumating na ang 1,428 PCR Covid-19 test kit mula sa Philippine National Red Cross na gagamitin sa mga frontliners sa lalawigan.
Samantala, namatay naman ang isang 83-anyos na babae mula pa rin sa Malolos na na-confine sa isang pagamutan sa Quezon City kaugnay ng nasabing viral disease.
May kabuuang 123 na ang mga kaso ng nagpositibo sa lalawigan ng Bulacan kung saan 35 ang nakarekober, 26 ang nasawi habang 151 naman ang naitatala na probable cases at 831 ang suspect cases.