P5.6-Billion shabu nasamsam sa Bulacan warehouse

Nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang humigit kumulang 828-kilos ng imported high-grade shabu na nagkakahalaga ng P5,630,400,000 sa isang warehouse sakop ng Meralco Village sa No. 2, Raley St., Barangay Lias sa bayan ng Marilao nitong Huwebes (June 4) dakong alas-3:00 ng hapon.

Ayon kay PNP Chief Gen. Archie Gamboa, isang Chinese national at dalawang pinay ang naaresto sa naturang operasyon na kung saan nabatid na siyang bagsakan ng mga imported na shabu na ibinebenta sa ibat-ibang lugar hanggang sa Visayas at Mindanao.

Bago ang raid ay nagsagawa ng surveillance at nag-test buy ang mga otoridad at ng magpositibo ay agad itong sinalakay kung saan ay naaresto ang mga suspek na sina Yuwen Cai, Chinese national at magkapatid na Pinay na sina Angela Miole Tulio at Ma. Lyn Tulio.

Ayon kay Gamboa, kasama din sa posibleng sampahan ng kaso ang may-ari ng paupahang bahay.

Ayon naman kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, iniimbestigahan pa ngayon kung may kaugnayan itong warehouse sa Marilao sa nauna ng operasyon ng Sta Rosa Laguna kung saan naaresto ang Chinese national chemist na si Samson Tan.

Depensa naman ng suspek na si Angela, live-in partner lamang niya si Cai habang kakadating lamang ng kanyang kapatid na si Lyn at wala silang alam sa ilegal na gawain ni Cai. 

“It is one of the biggest drug hauls in the government’s campaign against illegal drugs,” ayon kay Gamboa.

Ang inarestong Chinese suspect ay sinasabing “trusted man” na malalim ang ugnayan sa drug syndicate.

“There was a necessity to conduct surveillance hoping that we may find something here, and it turned out positive,” ani Gamboa.

“With the packaging, we believe that these are importation because we believe, and even PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) believes that there are no longer big laboratories in the country,” ayon pa kay Gamboa. Ang nadiskubreng kitchen-type [laboratories] ay kayang mag-produce ng lima hanggang pitong kilo ng shabu sa loob ng isang linggo.

Samantalang inihahanda na ng mga otoridad ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek habang patuloy pa ang imbestigasyon dito at pagtukoy sa kinaanibang grupo ng mga nahuli.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews