Bulacan, magpapatupad ng localized lockdown

LUNGSOD NG MALOLOS – Tinalakay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna Gobernador Daniel Fernando at ng Department of the Interior and Local Government (DILG)-Bulacan ang operatonal guidelines sa pagpapatupad ng zoning containment strategy o ang localized lockdowns sa lalawigan upang makontrol ang pagkalat ng virus sa isinagawang online zoom meeting kasama ang mga kapitan ng bawat barangay sa Bulacan sa Fransisco Balagtas Hall, Hiyas ng Bulacan Convention Center dito kamakailan.

Ayon kay DILG Provincial Director Darwin David, pagtutuunan ng pansin ng zoning containment strategy ang mga lugar na tinutukoy bilang critical zone (CrZ) o ang mga lugar kung saan mayroong maraming bilang ng kaso ang natukoy; containment zone (CZ) o ang mga lugar na walang naitalang bagong kaso ngunit kalapit ng mga lugar na nakapaloob sa kategoryang CrZ; buffer zone(BZ) o mga lugar na walang bagong kaso ngunit kalapit ng mga lugar na nakapaloob sa kategoryang CZ; areas outside buffer zone (OBZ) o ang mga natitira pang lugar na walang bagong kaso na hindi nakapaloob sa kategoryang CZ at BZ. 

“Kinailangan po umisip ng pamahalaang nasyunal ng mga istratehiya o pamamaraan upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at maisaalang-alang ang epekto nito sa ating ekonomiya pati ang kapakanan ng mamamayan sa pamamagitan ng pag-lockdown na ipinaubaya sa pamahalaang lokal. Ico-core down lang natin kung saang area na may nag-positibo, probable, o suspect. Nililiitan lang po natin ang focus area natin para mabigyang intervention o solusyon ‘yong sinasabi nating problema,” ani David.

Samantala, binigyang diin ni Fernando ang kahalagahan ng gampanin ng mga opisyal ng barangay upang matukoy ang mga lugar na kailangan ng atensyon.

“Bilang mga lingkod barangay, ang Pamahalaang Panlalawigan ay nakabase sa inyong pag-aaral para sa pagsasagawa ng planong localized lockdown. Kailangan po natin magtulungan para matukoy natin ang lugar dito sa lalawigan na kailangang mapagtuunan ng nararapat na aksyon,” anang gobernador. 

Alinsunod dito, ang mga itinalagang Local Task Force lamang sa bawat lugar ang awtorisadong magdeklara na isailalim sa kinauukulang ‘zone’ ang kanilang nasasakupan na inayunan ng Regional IATF. 

Iprinisinta rin ng Inter-Agency Task Force (IATF)-Bulacan sa pamamagitan ni Provincial Social Welfare and Development Officer Rowena J. Tiongson ang survey form na sasagutan ng mga residenteng nagtatrabaho sa labas ng lalawigan upang matukoy ang porsyento ng mga Bulakenyong may posibilidad na makapanghawa ng sakit sa kapwa dulot ng local transmission na ipamamahagi sa bawat barangay sa katapusan ng buwan. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews