Patuloy na naghahatid ng ayuda sa mga Bulakenyo si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go partikular na sa mga apektado ng pandemiya kung saan kahapon (Martes) ay ang mga residente sa bayan ng Pulilan na biktima ng nakaraang bagyong Ulysses ang dinalaw at namahagi rito ng ayuda.
Kasama ng senador ang mga representante at kawani mula sa iba’t-ibang sangay ng Pamahalaang Nasyunal nang mamahagi ang mga ito ng food pack at financial assistance sa 431 recipients sa ginanap na distribution activity sa Pulilan Central School sa Barangay Poblacion ng nasabing bayan.
Sinamahan naman sa pamamahagi ang grupo ni Senator Go ng mga local government unit ng Pamahalaang Lokal ng Pulilan sa pangunguna ni Mayor Maritz Ochoa-Montejo, mga kagawad ng Sangguniang Bayan at mga Barangay officials.
Namahagi rito ang senador ng 15 bisikleta, 15 computer tablets, face mask, face shield, food packs at financial assistance na 5,000 sa totally damaged habang 3,000 sa mga partially damaged ng Typhoon Ulysses.
“Ito po ay programa ng ating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na sama-samang pagbibigay ng tulong ng lahat ng ahensiya ng gobyerno para sa mga mahihirap” ayon kay Go.
Katuwang ng GO’s Team ang mga sangay ng pamahalaang nasyonal gaya ng Departement of Trade and Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ayon kay Go, uunahin nila na mabigyan ng bakuna kontra COVID-19 ang lahat ng mahihirap sa Bulacan kasabay ng paghikayat nito sa mga Bulakenyo na magpabakuna at huwag matakot nang sa gayun ay manumbalik na ang lahat sa normal.