Mga grupo ng magsasaka sa Bataan may panawagan sa DAR

Pinalagan ng tatlong malalaking grupo ng mga  magsasaka sa Bataan ang anila ay “hindi makatarungang land acquisition at distribusyon sa Litton Estate sa Brgy. Sumalo, Hermosa, Bataan.” 

Ayon sa 85 pahinang petition papers na ipinadala ng grupong AMMMA-KATIPUNAN, ang pinakamalaking alyansa ng mga magsasaka, mangingisda at manggagawa sa Bataan, kay Department of Agrarian Reform Sec. John R. Castriciones, ang pagpapailalim sa Notice of Coverage ng Litton Estate ay “isang pagkakamali sa simula pa lamang.”

Ang naturang petisyon ay sinuportahan din ng iba pang samahan at organisasyon mula sa Hermosa at Dinalupihan, Bataan kabilang ang Pulang Lawin Farmers Association at Lowland-Upland Farmers Association. 

“May desisyon na dito ang Korte Suprema bago pa man ipailalim ng DAR ang Litton Estate sa Notice of Coverage. Ito ang isang bagay na hindi sinabi ni suspended Sumalo Barangay Captain Rolly Martinez kaya nalinlang niya ang maraming grupo ng magsasaka sa maling laban na ito,” pahayag ni Ernesto Kabigting, panlalawigang pangulo ng Alyansa ng mga Magsasaka, Magbubukid, Mangingisda at Manggagawa-Katipunan (AMMMA-Katipunan). 

Bukod dito, napatunayan na sa pamamagitan ng isang sertipikasyon mula sa Department of Agriculture na hindi agrikultural ang lupa ng Litton Estate na pinangangasiwaan ng Riverforest Development Corporation.

“Nakasisiguro kami na sakaling makuha ni Martinez, SANAMABASU, at iba pang mga pekeng ARBs nila ang lupa ay tiyak na hindi sa layuning agraryo kundi sa iba pang layuning makapagpayaman sa kanila. Katunayan, malaki ang nabalitaan naming kinita ng pangkat ni Martinez sa pagbebenta ng rights at pangongolekta ng butaw sa mga naninirahan sa lupang ito na hindi naman sa kanila,” dagdag pa ni Kabigting.

Kaugnay nito, hiling ng mga nabanggit na grupo sa kalihim ng DAR na ipatigil na ang CARP coverage sa Litton Estate at magbigay daan sa anila ay mas kapaki-pakinabang na progreso sa pamamagitan ng industriyalisasyon at komersyalisasyon na mas pakikinabangan at makakapagpataas ng antas ng kabuhayan ng mas maraming Hermoseño sa pamamagitan ng job opportunities at dagdag na kita sa lokal na buwis kagaya ng real estate taxes, atbp.

Ang Barangay Sumalo ay katabi lamang ng nakapalibot na mga mas maunlad na Barangay ng Culis, Palihan at Pandatung kung saan nangyari ang malalaking pagbabago at pag-unlad kagaya ng Hermosa Ecozone Industrial Park na naitayo at umunlad sa pamamagitan ng pagpursigi ni dating Bataan Congressman Felicito Payumo. 

“Noon ay kamuntik nang pasukin ng mga agaw lupa na nagkunwaring mga magsasaka ang lugar na iyan ng Hermosa Ecozone, mabuti na lamang ay napigilan namin ito na maisailalim sa CARP coverage kundi ilang tao lang sana ang nakinabang. Ngayon ang Ecozone ng Hermosa ay mayroong mahigit 14,000 workers na,” pagmamalaking pahayag ni Chairman Payumo.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews