Clearing works sa site ng Calumpit Station ng NSCR,nagsimula na

Pinasimulan na ng Philippine National Railways o PNR ang clearing works para sa eksaktong pagtatayuan ng bagong istasyon ng tren sa Calumpit na nasa barangay Iba O’ Este.

Ayon kay Transportation Assistant Secretary Goddes Hope Libiran, ang sinimulang clearing works ay bahagi ng pre-construction activities bilang paghahanda sa aktwal na pagtatayo ng Phase 2 ng North-South Commuter Railway o NSCR Project. 

Tinatawag din itong Malolos-Clark Railway Project na bubuhay sa dating ruta ng riles ng PNR mula sa lungsod ng Malolos hanggang sa Clark International Airport.

Ang itatayong tatlong palapag na Calumpit station ay sakop ng Contract Package N-01 na maglalatag ng riles ng tren mula Malolos hanggang sa Apalit, Pampanga. 

Gagawin ito ng kontratista na joint venture ng Korean companies na Hyundai Engineering & Construction Corporation Ltd., Dong-Ah Geological Engineers Corporation Ltd at Pilipinong Kompanya na Megawide Construction Corporation.

Nagkakahalaga ang Contract Package N-01 na ito ng 28.3 bilyong piso na bahagi ng kabuuang 286 bilyong pisong pahiram na pondo ng Asian Development Bank.

May hiwalay pang 201 bilyong pisong Official Development Assistance ang Japan International Cooperation Agency para sa pag-assemble ng mga bagon ng tren para sa NSCR Phase 2. 

Tinagurian na kauna-unahang airport train ng Pilipinas ang NSCR Phase 2 dahil aabot ang riles at istasyon sa mismong Clark International Airport na 53 kilometro mula sa Malolos. 

Kapag natapos ang proyekto sa taong 2023, ikakabit ito sa riles ng NSCR Phase 1 sa Malolos. Mula rito, aabot hanggang sa Tutuban sa Maynila ang biyahe ng tren.

Ang dating dalawang oras na biyahe mula sa Maynila hanggang sa Clark ay mababawasan ng halos isang oras na lamang. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews