LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Isinusulong ng Social Security System (SSS) na mas maraming pensiyonado ang subukang humiram sa Enhanced Pension Loan, upang makaiwas ang mga ito sa mga pautang na matataas ang interes.Sa panayam ng Balitang P.I.A. sa Radyo Bandera 90.3 FM kay Marites A. Dalope, branch manager ng SSS-Baliwag, target ng sangay na 33% o 3,055 sa 11,986 na mga pensiyonado ng SSS sa mga bayan ng Plaridel, Pulilan, Baliwag, Bustos, San Rafael, San Ildefonso at San Miguel ang makumbinse na makinabang sa Enhanced Pension Loan
Sa kasalukuyan, aabot na sa P40.5 milyon ang naipapahiram ng SSS-Baliwag para sa mga naaprubahang 1,079 na mga pensiyonado. Ipinaliwanag ni Dalope na kaysa sa mga pribadong nagpapautang na mas matataas ang interes ang tangkilikin, higit na mas mababa ang interes nito na nasa 10% lamang na walang kailangang kolateral.
Malaki pa aniya ang matitira sa buwanang pensiyon kahit na nakahiram sa Enhanced Pension Loan. Hinalimbawa ni Dalope, na isa ring accountant, na kung may P5 libong regular na pensiyon ng isang pensiyonado, nasa P4 na libo pa ang matatanggap niya buwan-buwan habang ginagamit ang nahiram mula sa Enhanced Pension Loan.
Sinumang pensiyonado ng SSS na may edad 60 hanggang 85 ay uubrang makahiram sa Enhanced Pension Loan basta’t bayad na o walang anumang pagkakautang sa iba pang loan facility ng SSS.
Hindi rin uubra na maging kwalipikado rito ang may existing advance pension sa ilalim ng SSS Calamity Package. Dapat ding nakakatanggap siya ng regular na pensiyon o active ang status sa nakalipas na isang buwan.
Ibabase sa halaga ng buwanang pensiyon o basic monthly pension (BMP), kasama ang karagdagang P1 libo, ang halaga ng uubrang maipahiram. Maaaring mamili ng loan packages ang pensiyonado hanggang halagang P200 libo. Ibig sabihin, kabilang sa pamimilian kung tatlong beses, anim na beses, siyam na beses o 12 beses na halaga ng BMP ang nais mahiram.
Ang sistema ng pagbabayad, kung tatlong beses ng laki ng BMP ang hiniram ay pwedeng bayaran hanggang anim na buwan. Kung anim na beses ng laki ng BMP ay 12 buwan. Hanggang dalawang taon o 24 na buwan naman pwedeng bayaran ang mga nakahiram na siyam o 12 beses ng laki ng BMP.
Magsisimula ang pagbabayad sa ikalawang buwan mula nang matanggap ang hiniram na Enhanced Pension Loan. Halimbawa kung naaprubahan ng buwan ng Hunyo, magsisimula ang buwanang amortisasyon o pagbabayad sa Agosto.
Sasagutin na ng SSS ang 1% service fee bilang sabsidiya sa pagbabayad ng premium ng Credit Line Insurance (CLI) ng isang humihiram na pensiyonado.
Kaugnay nito, umabot na sa 1,859 na mga pensiyonado ng SSS na taga-Calumpit, Hagonoy, Paombong, Malolos at Guiguinto ang nakinabang na sa Enhanced Pension Loan. Ayon kay Albina Leah Manahan, branch manager ng SSS-Malolos, nakapagpahiram ang SSS sa nasabing mga pensiyonado ng halagang P76.6 milyon.
Ito ay halos 14% lamang ng nasa mahigit 14 libong pensiyonado sa ilalim ng SSS-Malolos. Kaya naman hinikayat ni Manahan ang iba pang pensiyonado na subukan ang murang pautang ng SSS upang makatulong nang lubos sa kani-kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Isang araw lang aniya ang proseso ang aplikasyon para sa Enhanced Pension Loan basta’t maisumite lamang sa portal ng SSS, na nasa www.sss.gov.ph., ang accomplished Pension Loan Application Form na lalakipan ng Social Security Card o ang Unified Multipurpose Identification (UMID) Card at iba pang government-issued na IDs.
Kapag naaprubahan, maaari nang makuha ang hiniram na pera makalipas ang isang buwan sa Union Bank.
Sakali namang mamatay ang isang pensiyonadong humiram sa Enhanced Pension Loan, hindi na pababayaran sa kaanak ang naiwang utang. Hindi rin ito kakaltasin sa magiging death at funeral benefits ng namayapang pensiyonado.