12 barangay sa Bataan pasado sa pilot testing ng SGLGB

Napasama ang 12 Barangay sa Bataan sa mga nakapasa sa National Passers sa isinagawang 2021 Pilot Testing ng Seal of Good Local Governance for Barangays (SGLFB) ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ito ay ang Barangay Palihan sa Hermosa; Barangay Colo, Dinalupihan; Barangay Talimundoc, Orani; Barangay Laon, Abucay; Barangay Parang, Bagac; Barangay Lote Pto. Rivas, Balanga City; Barangay Alangan, Limay; Barangay San Carlos, Mariveles; Nagbalayong, Morong; Camachile, Orion; Panilao, Pilar at East Daan Bago sa Samal.

“Mainit na pagbati at pagpupugay sa 12 natatanging barangay ng ating lalawigan sa ipinamalas nilang kahusayan sa iba’t-ibang aspeto ng pamamahala sa pamamagitan ng 2021 Seal of Good Local Governance for Barangays (SGLGB) ng DILG,” pahayag ng DILG Bataan sa kanilang Facebook Page.

Ayon sa DILG Bataan, nasa kabuuang 549 na barangay sa buong Pilipinas ang idineklarang National Passers ng SGLGB National Quality Committee.

Mula sa nasabing bilang, 12 barangay ang mula sa Bataan. Sa resulta ding ito, dagdag pa ng DILG, ang Bataan ang may pinakamaraming bilang ng pumasa sa Gitnang Luzon.

Upang magawaran ng SGLGB, kailangan maipasa ng barangay ang tatlong core areas na Peace and Order, Financial Administration, at Disaster Preparedness. Kailangang maipasa rin nito ang kahit isa lamang sa tatlong essential areas na kinabibilangan naman ng Social Protection, Business Friendliness and Competitiveness, at Environmental Management.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews