Tumatanggap na ng mga nominasyon para sa Gintong Kabataan Awards o GKA 2022 ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan.
Ito ay bukas sa lahat ng edad 15 hanggang 30 na tubong Bulacan o naninirahan sa Bulacan sa nakalipas na tatlong taon.
Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, ilan sa mga kategoryang maaaring salihan ang Gintong Kabataan sa Kagalingang Pang-akademya at Agham (High School level o College level), Gintong Kabataan sa Larangan ng Sining at Kultura (Indibidwal o Grupo), at Gintong Kabataang Entreprenyur.
Kabilang rin sa mga kategorya ang Natatanging Sangguniang Kabataang Barangay Council, Natatanging Sangguniang Kabataan Federation President, Gintong Kabataan sa Larangan ng Paglilingkod sa Pamayanan (Indibidwal o Grupo), Gintong Kabataang Manggagawa (Professional Worker, Skilled Worker, o Government Employee), Gintong Kabataan sa Larangan ng Isports (Indibidwal o Grupo), at Gintong Kabataang Bayani.
Ang GKA ang pinakamataas na parangal para sa mga kabataang Bulakenyo na nagtataglay ng angking “K” – Kahusayan at Kakayahan.
Ilan sa mga nauna nang pinarangalan sa mga nakalipas na taon sina Maine Mendoza, Angelica “Angel Locsin” Colmenares, Paolo “Kimpoy” Feliciano, Katrina “Hopia” Legaspi, Ross Ethan “Seth” dela Cruz, Yuka Saso at ang The Robotics Team ng Dr. Yanga’s Colleges, Inc.
Para sa karagdagang detalye, maaaring magsadya sa tanggapan ng Provincial Youth Sports and Public Employment Service Office o tumawag sa numerong (044) 764-1268.
Ang deadline ng pagsumite ng nominasyon ay sa Agosto 12, 2022. (CLJD/VFC-PIA 3)