Target ng Toll Regulatory Board o TRB na mas maraming motorista ang makagamit ng kahit anong modelo ng Radio-Frequency Identification o RFID sa kahit saan mang expressway sa bansa.
Kaya naman hinikayat ng TRB ang mga motorista na mai-enroll ang kani-kanilang mga RFIDs, lalo ngayong marami ang bumibiyahe dahil sa paggunita sa Semana Santa at bakasyon ng tag-araw.
Ayon kay TRB Director Alvin Carullo, layunin ng RFID Interoperability Project na hindi na bumili ng higit pa sa isang RFID ang mga motorista para makadaan sa mga expressway na iba’t iba ang mga konsesyonaryo.
Ipinaliwanag niya na noong wala pa ang interoperability project, ang Easytrip ay maaring lamang gamitin ng mga motorista sa North Luzon Expressway o NLEX, Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX at Subic Freeport Expressway o SFEX.
Sa kabilang banda, ang AutoSweep ay para lamang sa pagdaan sa Tarlac-Pangasinan-Expressway o TPLEX, Skyway Stage 3 at South Luzon Expressway.
Dahil sa Interoperability Project, anumang modelo ang nakakabit sa isang partikular na sasakyan ay maaring makaraan ngayon sa kahit saan mang expressway basta’t mai-enroll ang naturang mga RFID.
Kaya’t para sa mga motorista na AutoSweep ang modelo ng RFID, maaring mag-enroll sa mga registration site sa NLEX gaya ng Tabang Toll Plaza sa bayan ng Guiguinto.
Sa northbound lane ng NLEX o ang direksiyon na patungo sa Pampanga, makakapag-enroll ng RFID sa Shell-Balagtas, Petron-Marilao, mga exit ng San Fernando at Angeles at sa Petron-Lakeshore sa Mexico sa Pampanga.
Mayroon din sa southbound lane ng NLEX o sa direksiyon na paluwas sa Metro Manila na nasa Petron Balagtas at NLEX Drive & Dine sa Valenzuela.
Sa SCTEX, mayroon sa Seaoil Station na nasa eastbound o direksiyon patungo sa Tarlac at SFEX na bago dumating ng SCTEX kung galing sa Subic Bay Freeport Zone.
Ang mga motorista naman na biyaheng hilagang Luzon na may RFID na EasyTrip ay maaring mag-enroll sa mga itinalagang registration sites sa TPLEX.
Matatagpuan ito sa TPLEX Office sa La Paz, Tarlac at sa Petron Station na nasa magkabilang panig ng TPLEX sa bahagi ng Pura, Tarlac.
Samantala, hindi na kailangang mag-enroll kung parehong Easytrip at AutoSweep ang RFID na nakakabit sa iisang sasakyan.
Libre ang pagpapa-enroll ng mga RFID at ang load na lamang ang babayaran. (CLJD/SFV-PIA 3)