LUNGSOD NG SAN JOSE — Dumating na ang mga donasyong pagkain ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP sa ilang bayan at siyudad sa Nueva Ecija.
Ayon kay San Jose City Mayor Mario Salvador, natanggap ng pamahalaang lokal ang 150 sako ng bigas, higit 200 kahon ng mga de lata ng sardinas, tuna at corned beef.
Mayroon ding kasamang 138 kahong noodles at 41 kahon na mga gatas.
Sinabi ni Salvador na ilalaan at ipamamahagi ang mga naturang relief goods sa humigit kumulang 5,000 tricycle operators, drivers at mga tsuper ng jeepney na natigil sa pasada dahil sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine.
Aniya, kung magkukulang man ang suplay ng food packs ay handang punuan ng lokal na pamahalaan ang kakulangan upang mabigyan lahat ng mga namamasadang drayber sa lungsod.
Maliban sa lungsod ng San Jose ay nakatanggap din ng mga relief items mula sa NGCP ang mga bayan ng Talugtug, Laur, Cabiao at Talavera.
Matatandaang inilunsad ng NGCP ang 1 billion peso donation project na ayuda para sa mga mamamayang Pilipino at suporta sa pamahalaang nasyonal sa gitna ng krisis dulot ng coronavirus disease.