Bulakenyo hinikayat magpabakuna dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID

 12 

Nananawagan si Gobernador Daniel Fernando sa mga Bulakenyo na magpabakuna ng 2nd booster shot bilang karagdagan proteksyon sa COVID-19 kasabay ng pagharap ng lalawigan sa tumataas na bilang ng mga positibong kaso.

“Nananawagan po ako sa ating mga kalalawigan na huwag nang hintayin na lumala pa ang sitwasyon ng COVID bago tayo umaksyon. Bukas po ang ating mga vaccination sites upang makapagpa-booster tayo, at bigyan ang ating mga sarili ng karagdagang proteksyon laban sa COVID-19,” wika ni Fernando.

Sa ulat ni Provincial Health Officer II Dr. Hjordis Marushka B. Celis sa gobernador, sinabi niya na nakapagbakuna na ang Pamahalaang Panlalawigan ng kabuuang 5,817,152 bakuna kontra COVID at 701,390 lamang dito ang booster shots.

Binanggit din niya na 2,494,501 o 82.76% ng eligible na populasyon ang kumpleto na ang bakuna laban sa COVID-19.

Samantala, ibinahagi rin ni Celis na kasalukuyang ipinatutupad ng Bulacan Medical Center ang Appointment System upang maiwasan ang pagdagsa ng pasyente sa Out-Patient Department at mailayo sila sa posibilidad ng pagkalat ng virus.

Maaaring tumawag ang mga Bulakenyo sa BMC Hotline sa (044) 482-4207 o magpa-rehistro sa OPD Online Appointment sa www.facebook.com/BMCOPDKonsulta upang makapag-iskedyul ng pagbisita sa ospital mula Lunes hanggang Sabado.

Paalala ng PHO, tatanggapin ang mga emergency na kaso sa ospital, 24 oras sa isang araw.

Samantala, nakapagtala naman ng 660 bilang ng aktibong kaso sa Bulacan noong Hulyo 18 habang nasa kabuuang 110,617 ang beripikadong kaso ng COVID-19 kung saan ay 108,225 ang recovered at 1,732 naman ang nasawi sa nasabing virus.