Bulakenyo pinag-iingat sa HFMD

Pinaalalahanan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga Bulakenyo, lalo na ang mga magulang na mayroong zero hanggang limang taong gulang na anak, na maging mapagmatyag sa mga senyales at sintomas ng Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD).

Sinabi ng gobernador na agad patignan sa pediatrician ang mga bata na nakararanas ng lagnat, kawalan ng ganang kumain, masama ang pakiramdam, may singaw, pantal sa balat, at masakit ang lalamunan dahil hindi man ito malalang sakit, madali itong makahawa at maaaring makamatay sa mga taong mahina ang resistensya.

“Tayo po ay hindi pa lubusang nakakalaya mula sa COVID-19. Ayaw po natin ng panibago na namang sakit lalo na para sa ating mga anak. Sa oras po na makitaan natin sila ng mga sintomas, magtungo lamang po sa ating mga RHU at ospital upang mabigyan ng payong pangkulusagan ng ating mga duktor,” payo ng gobernador.

Nakapagtala ang Provincial Health Office-Public Health ng kabuuang 224 kaso ng HFMD mula Enero 1 hanggang Pebrero 4, 2023.

Wala pang lunas para sa HFMD, ngunit maiiwasan ang paglala nito kung iinom ng analgesics para sa sakit at antipyretics para sa lagnat; iinom ng malalamig na inumin; at magmumumog ng topical at oral antiseptics.

Gayundin, upang makaiwas sa sakit, pinayuhan ang mga Bulakenyo na maghugas ng kamay; gumamit ng protective equipment kung nag-aalaga ng hayop; agarang ihiwalay ang kakakikitaan ng mga sintomas; mag-disinfect ng kapaligiran; magpalakas ng resistensya; at iwasang gumamit ng kutsara at tinidor ng ibang tao.

Madalas pagkalituhan ang HFMD sa foot-and-mouth disease (na tinatawag ring hoof-and-mouth disease), na nakaaapekto sa mga baka, tupa, at baboy. Hindi makukuha ng mga tao ang sakit ng hayop, at hindi makukuha ng mga hayop ang sakit ng tao.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews