LUNGSOD NG MALOLOS — Pinasinayaan ng Bulacan State University o BulSU ang bagong gawang 13 silid-aralan na nasa ikatlong palapag ng College of Industrial Technology.
Ayon kay BulSU President Cecilia Gascon, nagkakahalaga ito ng 23 milyong piso na nagmula sa sariling kita ng komersiyalisasyon ng pamantasan.
Natapos ang unang palapag ng naturang gusali noong 2004 habang ang ikalawag palapag naman ay nakumpleto noong 2008.
Aabot sa 150 milyong piso ang kabuuang halaga ng mga naunang pagawain na pinondohan ng Priority Development Assistance Fund ni noo’y kinatawan at ngayo’y Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado.
Pakikinabangan ang mga karagdagang classroom ng mga kursong Automotive, Automation, Electrical, Food Technology, Drafting at iba pang kursong teknikal. (CLJD/VFC-PIA 3)