Eksibisyon sa Kasaysayan ng Hiyas ng Bulacan Cultural Center, binuksan

LUNGSOD NG MALOLOS — Binuksan ni Gobernador Daniel Fernando ang eksibisyon tungkol sa kasaysayan ng Hiyas ng Bulacan Cultural Center.

Bahagi ito ng pagdiriwang ng Ika-50 Ginintuang Taon ng gusali na nasa bakuran ng Capitol Compound sa lungsod ng Malolos.

Ayon kay Fernando, saksi ang Hiyas ng Bulacan Cultural Center sa maraming mga kabataang Bulakenyo na dito nagsimula at ipinanday ang karera sa sining ng pag-arte, pagsayaw at pag-awit.

Kabilang aniya siya sa mga nagsimulang matuklasan ang sariling talento sa pamamagitan ng mga workshop.

Tampok sa binuksang eksibisyon kung paano nakonsepto ang pagpapatayo ng pamahalaang panlalawigan sa Hiyas ng Bulacan Cultural Center sa ilalim ni noo’y Gobernador Ignacio Santiago.

Ipinakita rin kung bakit ang uri ng arkitekturang Brutalist ang piniling maging disenyo ng arkitektong si Dominador Jimenez na ipinatupad ng arkitektong si Leonides Manahan.

Mababatid din kung paano nagkatulungan ang pondo ng Kapitolyo at ng pamahalaang nasyonal sa tulong ni noo’y Unang Ginang Imelda Marcos na siyang nagpasinaya rito noong Agosto 30, 1971

Ito ay bilang handog sa Ika-121 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ng bayaning si Marcelo H. Del Pilar na taga-Bulakan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews