LUNGSOD NG MALOLOS — Naglabas ng kautusan si Gobernador Daniel Fernando na nag-aatas sa mga punong bayan at punong lungsod sa Bulacan na magtakda ng ekslusibong sasakyan o marked vehicle na susundo at maghahatid sa mga pasyenteng kakikitaan ng mga sintomas ng sakit na coronavirus disease o COVID-19.
Layunin nito na agad na masundo ang nasabing mga pasyente at masuri kung sila ay person under investigation o PUI at person under monitoring o PUM, bago pa man makumpirma kung tinamaan ba o hindi ng COVID-19.
Ayon sa pamantayan ng Department of Health, matutukoy na PUI ang isang personalidad kung may lagnat na nasa 38 degree celsius, may ubo at sipon, may travel history sa mga bansang apektado ng COVID-19 sa nakalipas na 14 araw at nagkaroon ng exposure sa mga taong positibo rito.
Masasabi namang PUM kung ang isang personalidad ay bagama’t walang sintomas ng lagnat, ubo at sipon pero bumiyahe sa bansang apektado ng COVID-19 sa nakaraang 14 araw.
Pwede ring may sintomas ng lagnat, ubo at sipon pero galing sa apektadong mga bansa.
Gayundin kung walang sintomas ng lagnat, ubo at sipon pero hindi bumiyahe sa ibang bansa.
Kaya naman partikular na tinukoy ng gobernador na kalakip ng pagtatalaga ng mga ekslusibong sasakyan ay pagkakaroon ng mga hotlines sa bawat bayan at lungsod.
Sa lungsod ng Malolos, na siyang kabisera ng Bulacan, may COVID-19 Hotline na 760-5160 habang ang Provincial Health Office ng Kapitolyo ay may hotline na 09983242261.
Nagpaalala rin ang gobernador sa mga Bulakenyo na hihingi ng tulong sakaling may makitang may sintomas ng nasabing sakit, na itawag muna ito sa kanilang barangay upang makahiram ng ambulansiya mula sa munisipyo.
Doon muna susuriin kung PUI o PUM ang isang partikular na pasyente bago desisyunan na ilagay sa isang isolation facility sa Bulacan Medical Center o idiretso na sa mga pagamutan sa Metro Manila.